Tugisin, mga opisyal ng Seataoo Group!
NAKAPANGULIMBAT ng limpak na salapi ang mga opisyal at tauhan ng New Seataoo Corporation at Seataoo Information Technology-OPC (Seataoo-OPC) sa kanilang investors sa maraming lugar sa Pilipinas at ibang bansa.
Ayon sa mga nagreklamo sa Securities and Exchange Commission (SEC), nalinlang silang mag-invest mula P20,000 hanggang P2.3 milyon at nangarap na mapalago ang pinaghirapang pera sa pangakong 7-12 porsiyentong kita.
Sa pamamagitan ng Facebook at YouTube, nilinlang ng Seataoo Group na pinamumunuan nina Anna Rose Jangao Tero, Jonathan Tuazon Garcia, Danny Tuazon Sudaria, Lew Yean Yee, Seow Kai Sheng, Dylan Lim, at Seataoo OPC’s single stockholder, Jayson Corono Clidoro, ang investors sa pamamagitan ng dropshipping ecommerce platform kung saan hinikayat ang mga ito na maging online seller ngunit kinakailangang mag-deposit ng pera upang ma-process ang orders.
Mayroon pang tinatawag na affiliate program ang Seataoo Group kung saan ang investors o online sellers ay makakuha ng tatlong porsyentong referral commission.
Ayon sa SEC, nakalikom ang Seataoo Group ng unregistered securities, bagay na mahigpit na ipinagbabawal ng Securities Regulation (SRC) ng Pilipinas.
Malinaw ang panloloko at panlilinlang ng Seataoo Group dahil ipinagpatuloy nito ang masamang gawain kahit napawalambisa ang SEC registration nito noong Hunyo 10, 2024.
Binalewala na rin ng SEC en banc noong Disyembre 26, 2024 ang motion for reconsideration sa order of revocation ng SEC registration ng Seataoo Group dahil sa lack of merit.
Sinampahan na ng kasong criminal ang mga opisyal ng Seataoo Group at umaasa ang mga biktima na makakamit ang katarungan.
Nararapat tugisin ng mga awtoridad ang mga opisyal ng Seataoo bago pa sila makalabas ng bansa.
* * *
Para sa reaksiyon o komento, i-send sa: [email protected]
- Latest