Kahapon ang huling araw upang makumpleto ng pamahalaan ang pagkansela sa lahat ng lisensya ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa buong bansa. December 15 ang itinakdang deadline ni President Marcos upang kanselahin ang lisensiya ng lahat ng POGO. Isarado ang lahat, legal man o ilegal ang operasyon. Maraming kawing-kawing na problema ang idinulot ng mga ito.
Naging front ito ng mga illegal na gawain na nauukol sa cyber crime. Naging taguan din ito ng mga espiyang Tsino na nagpapanggap na kawani ng mga POGO, yun pala ay mga kasapi ng Chinese militia. Inanunsyo ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na simula kahapon ay nakansela na ang mga lisensiya ng lahat ng POGO sa buong bansa.
Ngunit hindi ganyan kasimple ang paglutas sa problema. Alam natin ang kasabihang “if there’s a will, there’s a way.” Nagampanan na ng PAGCOR ang gawaing administratibo nito. Ngayon naman, ang kailangan ang walang puknat na police operation upang tugisin ang mga mag-o-operate ng ilegal. Tiyak ay mayroon niyan!
Multi-bilyong industriya ang POGO at Hindi basta-basta masasawata hangga’t may mga masamang elemento sa gobyerno na makikipagsabwatan sa kanila. May ibang POGO hub diyan na nagpa-convert na bilang call centers. Ayos sana kung hindi sila lihim na mag-ooperasyon bilang POGO at magpapatuloy sa cyber crimes.
Diyan dapat maging alerto ang mga operatiba ng pamahalaan tulad ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC). Ayon kay Director Gilbert Cruz ng PAOCC, may 20 POGOs pa ang nasa operasyon batay sa datos ng PAGCOR bago makumpleto ang revocation ng lisensiya.
Basta huwag tantanan ang pagmamanman. Hindi komo wala nang lisensiya ay hindi na kikilos ang mga iyan. Hindi lang mga Pilipino kundi maimpluwensiyang dayuhan ang involve sa ganyan kalaking ilegal na negosyo at hindi sila susuko hangga’t hindi mabubuhay ang kanilang negosyo.