Isang kakaibang insidente ang naganap sa Farrukhabad district sa Uttar Pradesh, India, kung saan isang tatlong taong gulang na bata ang aksidenteng nakapatay ng ahas matapos niya itong nguyain.
Ang bata, na nagngangalang Akshay, ay naglalaro sa kanilang bakuran nang biglang lumitaw ang isang maliit na ahas. Napagkamalan ng bata na laruan ang ahas, kaya nilagay niya ito sa kanyang bibig.
Maya-maya’y nagsimulang sumigaw ang bata, na nagdulot ng pagkataranta ng kanyang lola.
Ayon sa lola ni Akshay, agad niyang tinanggal ang ahas mula sa bibig ng bata at nilinis ang bibig nito. Kaagad ding inalerto ang mga magulang ni Akshay at agad dinala sa Dr. Ram Manohar Lohia District Hospital. Dinala nila ang nginuyang katawan ng ahas upang maipaliwanag nang maayos sa mga doktor ang nangyari.
Ayon sa doktor na tumingin kay Akshay na si Dr. Mohammad Salim Ansari, walang lason ang ahas kaya’t hindi ito nagdulot ng masamang epekto sa kalusugan ng bata.
Matapos ang 24 oras na obserbasyon, idineklara ng mga doktor na ligtas si Akshay at pinayagan na siyang umuwi.
Ang insidente ay nagdulot ng pagtataka sa mga doktor, na karaniwang humaharap sa mga pasyenteng natuklaw ng ahas, ngunit sa pagkakataong ito, isang bata ang kumagat at pumatay ng ahas.
Patuloy ang mga eksperto sa paalala na mag-ingat sa mga hayop sa paligid, lalo na’t maaaring mapanganib ang ibang uri ng ahas kung ito ay makamandag.