ANG emphysema ay sakit na nakukuha dahil sa paninigarilyo. Bukod sa paninigarilyo, dahilan din ng emphysema ang nalalanghap na polluted na hangin.
Dahil sa usok at pollution, puwedeng masira ang air sacs ng baga at mapigilan ang pagpasok ng oxygen sa katawan. Dahil sa paninigarilyo, tumitigas ang baga, nag-iipon ang plema at nahihirapang huminga ang pasyente. Wala pang gamot sa emphysema.
Mga payo para hindi magka-emphysema:
1. Ihinto ang paninigarilyo. Hindi pa huli ang lahat. Basta itinigil ang paninigarilyo, mapipigilan ang tuluyang pagkasira ng baga.
2. Umiwas sa lugar na may naninigarilyo.
3. Palakasin ang masel sa dibdib. Mag-ehersisyo gamit ang isang kilong dumbbell sa bawat kamay. Palakasin ang masel sa leeg, balikat at dibdib para mas makahigop ng hangin.
4. Kumain ng anim na beses sa isang araw pero kaunti lang. Halimbawa, isang saging lang sa meriyenda. Masama ang sobrang busog sa may emphysema dahil naiipit ng tiyan ang baga.
5. Abutin ang tamang timbang. Hindi maganda ang sobrang taba at ang sobrang payat din. Kapag payat ka masyado, mawawalan din ng lakas ang katawan. Kumain ng masustansyang pagkain tulad ng gulay, prutas, isda at manok.
6. Tamang paghinga: Huminga nang malalim ng nakabuka ang bibig. Gamitin ang tiyan sa paghinga.
7. Habaan ang pag-exhale. Subukang mag-exhale ng nakabilog ang bibig. Parang humihip sa straw. Mapipigilan nito ang pagsara ng mga air sacs sa baga.
8. Uminom ng vitamin C at E. Mga anti-oxidants ito at baka makatulong sa masamang epekto ng paninigarilyo.
9. Magsuot nang maluluwag na damit. Magluwag din ng pantalon para hindi mahadlangan ang paghinga.
10. Matulog nang nakaangat ang ulo at katawan. Gumamit ng 2-3 unan.
11. Siguraduhing malinis ang iyong kuwarto at maganda ang daloy ng hangin. Kung may air-conditioner ay mas makagiginhawa pa.
12. Mag-relax at mag-dahan-dahan lang sa mga gawain.
13. Magpatingin sa isang espesyalista sa baga.
* * *
Ubo
Maraming dahilan kung bakit inuubo. Maaring dahil sa trangkaso, sipon, allergy, sigarilyo, pulmonya, namamagang tonsils at tuberculosis.
Kung pulmonya at tonsillitis ang dahilan, kinakailangan ng antibiotics.
Ang tuberculosis naman ay ginagamot sa loob ng anim na buwan.
Para sa pangkaraniwang sanhi ng ubo, narito ang mga gagawin:
1. Uminom ng walo hanggang 10 basong tubig. Pinalalabnaw ng tubig ang madidikit na plema.
2. Uminom ng mainit na salabat o sabaw ng manok. Ang pag-inom ng mainit na sabaw ay nagpapaluwag ng mga tubo natin sa baga.
3. Itigil ang paninigarilyo. Umiwas sa mga bisyo.
4. Uminom ng Vitamin C para lumakas ang ating immune system.
5. Uminom ng tsa-a na may honey at lemon. Mabisa ang honey sa pagkalma ng naiiritang lalamunan. Ang lemon ay may vitamin C.
6. Umiwas sa nakaka-allergy na bagay. Maraming ubo ay allergy ang dahilan. Puwedeng magka-allergy sa usok, sa balahibo ng pusa at aso, sa matatapang na pabango, at sa pollen mula sa halaman.
7. Gamot para sa ubong may plema: Puwedeng uminom ng mga gamot tulad ng carbocisteine, ambroxol at lagundi para lumabnaw ang plema. Ngunit huwag ganoong umasa sa mga ito. Tubig pa rin ang mas mabisa.
8. Gamot para sa tuyong ubo: Para sa nakakaistorbong ubo, uminom ng butamirate citrate o dextromethorphan syrup. Kung allergy naman ang dahilan ng ubo, puwede and Diphenhydramine.
9. Ilabas ang sipon. Kung may sipon, suminga nang madalas para hindi tumulo ang sipon sa lalamunan na puwedeng magdulot ng pag-ubo.
10. Umiwas sa mausok na lugar. Puwedeng sumakay sa mga air-con na bus at jeep. Huwag din gaanong maglakad sa lansangan. Umiwas sa mga taong naninigarilyo.
11. Lumanghap ng mainit at basang (moist) hangin. Pinapaluwag nito ang plema sa baga. Puwede ring manatili sa banyo kung saan dumadaloy ang mainit na shower o gripo. Ang usok nito ay nagpapalabnaw ng plema. Isa pang paraan ay ang paglanghap ng mainit na usok ng tubig sa ibabaw ng palanggana o kaldero.
12. Tingnan kung may iniinom na gamot tulad ng Ace-inhibitor para sa altapresyon dahil puwede itong magdulot ng ubo. Ang Ace-inhibitor ay mga gamot na nagtatapos sa salitang “pril” tulad ng imidapril, enalapril, at iba pa.
13. Gumamit ng dalawang unan sa gabi. Kung may allergy ka o sipon, makatutulong ang paghiga na medyo mataas ang iyong ulo.
14. Gamutin ang pangangasim na sikmura. Puwede ring magdulot ng pag-ubo ang asido na galing sa sikmura.
15. Magpabakuna laban sa flu at pulmonya kung ika’y lampas sa edad 60.
16. Umiwas sa sakit. Kung ika’y may mga sakit na, tulad ng altapresyon at diabetes, umiwas sa nakapapagod na gawain at pagpunta sa polluted na lugar.
17. Magpahinga at matulog nang sapat para maka-recover ang katawan.