Arestado ang isang lalaki sa Changzhi City, Lalawigan ng Shanxi sa China matapos mag-post sa social media ng pekeng “wanted notice” para sa sarili. Ang pagpapapansin na ito ay nagdulot nang malaking kaguluhan sa Changzhi at nagresulta sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad.
Ang lalaki na kinilalang si Wang Yibo, ay nagpakalat ng maling impormasyon na siya umano’y may hawak na assault rifle at 500 piraso ng bala. Idinagdag pa niya na nakakuha siya ng 30 million yuan mula sa isang kumpanya sa pamamagitan ng pangingikil.
Sa kanyang post, hinamon niya ang publiko na tugisin siya kapalit ng pabuya na 30,000 yuan.
Agad na umaksiyon ang mga pulis na namamahala sa internet security matapos matuklasan ang post ni Wang. Tinunton nila ang kinaroroonan nito at isinagawa ang paghahanap sa kanyang bahay. Subalit, walang nakitang anumang uri ng armas o bala sa kanyang tirahan.
Sa kanyang pag-amin, sinabi ni Wang na ginawa niya ang post dahil sa pagkabagot at pagkadismaya sa kanyang pang-araw-araw na buhay. Gayunman, ikinonsidera ng mga awtoridad ang epekto ng kanyang ginawa.
Ang kanyang video ay umabot na sa 350,000 views, 2,459 likes, 799 favorites, 80 comments, at 1,155 reposts bago pa siya naaresto.
Dahil sa insidente, kinasuhan si Wang ng “Intentionally disseminating false information and causing social disruption”. Sa kasalukuyan, patuloy pa ang imbestigasyon upang tukuyin ang lawak ng epekto ng kanyang ginawa.