Sa Pilipinas, ang sakit na kanser ang nananatiling isa sa mga pinakamalaking problemang kinakaharap natin pagdating sa usapin ng kalusugan. Noong 2022, humigit-kumulang 200,000 Pilipino ang namatay dahil sa sakit na ito.
Ang realidad na ito ang nagpapaalala sa atin na kailangan nating paigtingin pa ang cancer care, early detection, at holistic support systems sa sektor ng kalusugan.
Dito rin sa mga layuning ito nagkaisa ang mga speaker, guests, at bawat kalahok ng Courage in Cancer forum na kasabay ng Oncology Patient Day 2024, kung saan tayo'y nagkaroon ng pagkakataong makibahagi bilang host at moderator.
Sa ating naging karera sa broadcast, radio, print, at online media, at bilang aktibong advocate ng kalusugan, daan-daan na rin ang nakaharap nating mga pasyente, caregiver, at survivor ng sakit na ito. Mahalaga para sa kanila ang mga forum tulad ng Courage in Cancer, kung saan marami sa atin ang nagtutulungan para sila'y patuloy na mabigyan ng pag-asa, kaalaman, at lakas ng loob sa laban kontra kanser.
Bilang host at moderator, naging saksi tayo sa mga mga nakaka-inspire at tunay na makabuluhang usapin kasama ang mga nangungunang boses sa sektor ng kalusugan, mula sa mga organisasyon at ahensyang gaya ng Philippine Alliance of Patient Organizations (PAPO), Cancer Warriors Foundation, AstraZeneca, at ang Philippine Society of Medical Oncology (PSMO).
Kolaborasyon para sa pag-aaruga sa mga pasyente ng kanser
Sa kanyang keynote speech, binigyang diin ni Dr. Beatrice Tiangco ng National Integrated Cancer Control Council ang kahalagahan ng isang localized, hospital-based cancer registry kung saan magagamit natin ang lokal na datos ng mga pasyente para pagandahin ang ating treatment strategies.
“Kailangan po tayong gumamit ng sarili nating data para makilala po natin nang mas maigi ang sariling nating mga pasyente,” ayon kay Dr. Tiangco. "Gusto nating makapagbigay ng treatments na personalized sa bawat pasyente, ngunit 'di ito mangyayari kung wala tayong data."
Ipinaramdam ni Walter Bacareza, ang Area Vice President for Northern at Central Luzon ng Philhealth, ang suporta ng kanilang ahensya para sa mga pasyente ng kanser, kung saan naging halimbawa ang patuloy na pagpapalawig ng mga benepisyo tulad ng Z Benefits package para sa mga may malalang sakit.
Kolaborasyon din ang kanyang naging mensahe sa forum, at hiniling niya ang "joint effort mula sa mga ahensya ng gobyerno, healthcare providers, mga NGO, ang academic sector, at maging ang mga pasyente."
Mga inisyatibo kontra kanser, tuloy ang pagsulong
Nagkaroon din ng pagkakataon ang advocacy groups tulad ng Cancer Coalition Philippines, ICanServe Foundation, at PAPO na maipahayag ang mga nangungunang patient-centric initiatives na tugon sa hamon ng kanser.
Ibinahagi ni Kara Magsanoc-Alikpala, ang founding president ng ICanServe ang kanilang patuloy na pagtuturo ng early breast cancer detection techniques sa kanilang programang Ating Dibdibin, habang narinig naman natin mula kay Karen Villanueva, ang presidente ng PAPO, ang update ukol sa kanilang layuning magkaroon ng mas malakas na boses ang mga pasyente sa implementasyon ng Universal Healthcare Law.
Kabilang din ang perspektibo mula sa ibang bansa sa mga diskusyong naganap sa forum, tulad ng pagbabahagi naman ni Johan Lennefalk, ang Commissioner of Business sa Swedish Embassy tungkol sa kanilang cancer care systems. Aniya, sa Switzerland ay pataas nang pataas ang survival rate ng mga pasyente: 90% sa breast cancer, 95% sa prostate cancer, at 70% sa bowel cancer -- isang magandang halimbawa kung ano ang kayang makamit kapag ang gobyerno ay aktibong tumutugon sa problema ng kanser. Ilan sa mga pagtugong ito ang mga investment at screening programs. "11% na ng aming GDP ang nakalaan sa kalusugan," dagdag niya.
Tinalakay naman ni Dr. Cyril Tolosa, ang Medical Affairs Director ng AstraZeneca, ang isa sa mga pangunahing layunin ng forum, ang patuloy na maisulong ang mga patient-centric na approach sa paggamot ng cancer. Isa rin ito sa mga focus ng kanilang organisasyon, at naaayon din ito sa 12 pangako ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA).
"Handa kaming makipag-partner sa mga patient groups at mambabatas para matupad na ang ating hangaring pagandahin ang cancer care," dagdag pa ni Dr. Cyril.
May mahalagang kwento sa bawat laban
Sa huli, ang naging puno't dulo ng forum ay ang pagpupugay sa tapang at lakas ng loob ng bawat pasyenteng lumalaban sa kanser, pati na ang mga taong nakapaligid at nangangalaga sa kanila. Narinig natin ang kwento ni Lorenzo Rue nanapagtagumpayan na ang sakit na ito. “Lahat po yata ng laboratory pinagdaanan ko. Nitong October, lumabas nang clear [ang baga ko]. Wala nang nakita ang doktor ko.”
Silang mga caregiver o mga pangunahing nangangalaga sa mga pasyente ang nais namang bigyang pagkilala ni Judge Ma. Cristina Laderas-Maguinao, na mismong cancer patient rin. "Alam ko kung gaano kahirap ang magkaroon ng kanser, ngunit hindi rin madali ang mag-alaga ng sinumang may sakit na ito," sabi niya.
Ipinaalala naman sa atin ni Carmen Auste, ang CEO ng Cancer Warriors Foundation at Vice President ng Cancer Coalition Philippines, ang kahalagahan ng self-care o pangangalaga sa sarili ng mga pasyente at maging mga caregivers. “Dapat siguraduhin ninyo pong ginagawa ninyo ‘yung mga bagay na nakakapagpasaya sa inyo. Para bukas, tayo ay makapagpatuloy. Mayroon tayong buhay pagkatapos ng cancer.”
Sa pakikinig at pakikibahagi sa mga diskusyon ng mga eksperto, lider, at advocates ng cancer care at healthcare sa ating bansa, napuno ako ng pag-asa para sa ating mga kababayang may cancer.
Patunay ang mga programang tulad ng Courage in Cancer forum na bawat isa sa atin ay may kakayahang makatulong sa ating mga kapwa Pinoy na hinaharap ang hamon ng kanser.
Sa pagtutulungan, pamamahagi ng wastong impormasyon, at pagsuporta sa mga epektibo o makabagong paraan ng paggamot ng cancer, kayang-kaya nating maiparamdam sa kanila na hindi sa kanser nagtatapos ang lahat. Simula pa lamang ito ng laban na kaya nilang pagtagumpayan.
------
I-follow ang aking social media accounts JingCastaneda Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento at suhestiyon sa editorial@jingcastaneda.ph.