NOONG nakaraang Setyembre 26, 2024, nilagdaan ni President Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12022 (Anti-Agricultural Economic Sabotage Act). Layunin sa paglagda sa batas na habulin ang smugglers ng agricultural products partikular ang bigas. Nakadidismaya na sa kabila na may batas laban sa agri smugglers, patuloy pa rin ang pagpupuslit ng bigas at lalong naging kawawa ang mga lokal na magsasaka. Inagawan ng ikinabubuhay ang mga magsasaka dahil sa talamak na smuggling ng bigas. Bukod sa smuggling, talamak din ang hoarding ng bigas.
Bago ang paglagda sa RA 12022, iniisyu ni Marcos ang Executive Order (EO) No. 62 na nagbababa sa taripa ng bigas mula 35 percent sa 15 percent. Layunin sa pag-iisyu ng EO 62 na mapababa ang presyo ng bigas sa pamilihan at upang matigil na rin ang talamak na smuggling. Hindi bumaba ang bigas at hindi rin napigilan ang rice smugglers sa kanilang pananabotahe sa pamahalaan. Dahil sa rice smuggling, bilyong piso ang nawawala sa pamahalaan.
Hindi naging kapaki-pakinabang ang pagpapababa sa taripa ng bigas at ang nakinabang lamang dito ay ang mga ganid na rice importers at traders. Sa halip na ang maprotektahan ay ang mga lokal na magsasaka at mamimili, ang importers at traders ang nag-umapaw ang bulsa sa kita. Kung magpapatuloy ang rice smuggling, bigo ang pamahalaan sa pinangakong hahabulin at sasampahan ng kaso ang mga smugglers. Ang banta sa agri smugglers ay ilang beses nang binanggit ni Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Ang malawakang smuggling ng bigas at iba pang agri products, kabilang ang isda ay ibinunyag ni AGAP pary-list Nicanor Briones. Ayon kay Briones, nasamsam kamakailan ng Bureau of Customs (BOC) ang 21 containers ng smuggled frozen mackerel na galing China na nagkakahalaga ng P178.5 milyon. Wala umanong Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPIC) ang importer nito. Mananagot aniya ang importer na Pacific Sealand Foods Corporation dahil dito at kapag napatunayan, mahaharap ang may-ari sa parusang life imprisonment at pagmumultahin nang limang beses sa kabuuang halaga ng pinuslit na produkto.
Patuloy ang smuggling ng agri products at tiyak na titindi ngayong Christmas season. Hindi lamang bigas ang ipinapasok kundi sibuyas, carrots, frozen na karne ng baboy, isda at iba pa.
Patuloy namang umaasa ang mga lokal na magsasaka na hahabulin at pagbabayarin ang smugglers ng agri products. Hindi pa rin nawawala ang kanilang paniniwala na ang mga sumasabotahe sa ekonomiya at nagpapahirap sa kanila ay madadakma at maitatapon sa madilim na kulungan.