SA kabila ng pagpigil ni President Bongbong Marcos sa mga mambabatas ng House of Representatives na huwag nang magsampa ng impeachment case laban kay VP Sara Duterte, isang grupo sa pangunguna ng party-list na Akbayan at dating Senador Leila De Lima ang nagsampa nito.
Dumidistansya si Marcos sa aksiyong politikal na ito dahil batid niya na ito’y hindi makabubuti dahil maaaring mag-aalsa laban sa kanya ang marami pa ring sumusuporta sa mga Duterte. Kapag administrasyon kasi ang nagpasimuno ng impeachment malamang na sisiklab ang isang seryosong giyera politikal.
Si De Lima ay kasapi sa partidong katunggali rin ng partido ni Marcos ngunit si Duterte ay “common enemy” nila kaya hindi puwedeng akusahan ang Presidente na siya ang pasimuno ng impeachment.
Ngunit posible ring hinalain ng iba na ito’y isang taktika lang para sabihin ng Presidente na wala siyang kinalaman sa impeachment. Alam n’yo naman sa politika, laging may nangyayaring tactical alliance.
Ang basehan ng impeachment ay kaugnay sa grave threat ni Sara sa buhay ni Marcos at ang kuwestyonableng paggastos sa kanyang confidential fund na bilyong piso ang halaga na hindi niya maipaliwanag.
Maaga pa para hulaan kung positibo o negatibo ang resulta ang hakbang na ito. Nagsimula na ng mga kilos protesta ang mga taong sumusuporta sa mga Duterte ngunit tila hindi naman dumarami ang mga taong nagtitipon sa EDSA kundi nababawasan pa.
Ibig sabihin, sawa na ang taumbayan sa ganyang uri ng rebolusyon ng mamamayan na unang nangyari noong 1986. Hanggang ngayon naglulubha pa nga imbes bumuti ang kalagayan ng ating bansa. Sana ay humupa na ang sigalot na ito na nakababalakid lang sa pambansang pag-unlad.