MENSAHE ni President Ferdinand Marcos Jr. sa mga Pilipino sa paggunita ng ika-161 na kaarawan ng Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio ay ang paglaban ng mamamayan sa kahirapan, korapsiyon at kriminalidad. Ayon kay Marcos ang pinakamainam daw na pagpaparangal kay Bonifacio sa mga ginawa nitong pagsasakripisyo sa bayan ay gawin ang ating bahagi sa pagpapalaya ng bansa mula sa anikala ng gutom, korapsyon, kriminalidad, at iba pang mga salot. Ayon pa kay Marcos, malaki ang nagawa ni Bonifacio sapagkat ito ang nagsindi ng rebolusyon laban sa mga Kastila at naging daan para magkaisa at labanan ang mga nagtangka pang sumakop sa Inambayan. Binuhay umano ni Bonifacio ang pagkamakabayan ng mga Pilipino.
Sabi naman ni Vice President Sara Duterte kaugnay pa rin sa pagdiriwang ng kaarawan ni Bonifacio, ang pagsasakripisyo raw ng Supremo ay dapat magmulat sa kamalayan ng bansa sa mga pagsubok na kinakaharap gaya ng kagutuman, kahirapan, kawalan ng trabaho, at kakulangan sa mga serbisyong panlipunan. Ang pamana umano ni Bonifacio ay ang pagsisikap nitong mapalaya ang bansa mula sa mga mananakop. Ayon kay Sara, dapat pangalagaan at ipaglaban ang ginawa ng rebolusyunaryo.
Tama naman pareho ang mga sinabi ni Marcos Jr. at Sara. Tila nagkakaisa sila sa pagsasabing dapat labanan ang kagutuman, kahirapan at korapsiyon. Kahit na nitong nakaraang linggo ay naging matindi ang pagbibitawan nang masasamang salita at pagbabanta, nagkakapareho naman sila sa tatlong “K” na dapat labanan ng bansa.
Subalit meron silang nakalimutan na isang “K” na dapat labanan nang nakararaming Pilipino. Ito ay walang iba kundi ang kamangmangan. Maraming kabataang estudyante ang kulelat sa Science, Math at Reading Comperehension. Nakita ang kahinaan ng mga estudyanteng Pinoy sa resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA).
Marami sa mga batang edad 8-9 ang hindi pa marunong magsulat at magbasa. Kinakalampag ang Department of Education (DepEd) sa mababang kalidad ng edukasyon. Pinamunuan ni VP Sara ang DepEd hanggang magbitiw siya noong Hunyo 19, 2024. Sa kasalukuyan, iniimbestigahan ng Kamara ang hindi maipaliwanag na paggasta ng pondo ng DepEd sa panahong pinamunuan ni Sara.
Dapat din namang turuan ang mamamayan na huwag maging mangmang sa mga iluluklok na opisyal ng bansa. Ang kamangmangan ng botante sa pagpili ng kandidato ang nagpapahamak sa bansa.