HUMIHINGI umano ng political asylum si retired PNP Col. Royina Garma. Ito’y matapos siyang dakipin ng U.S. Customs and Border Protection sa San Francisco nu’ng Nov. 12 dahil paso na ang U.S. visa niya.
Maaring mabigyan ng political asylum ang isang refugee sa 1951 depinisyon ng U.N. Ito’y ku’ng inaapi siya dahil sa lahi, sampalataya, nasyonalidad, kasapian at paniniwala.
Makukumbinsi kaya ni Garma ang Amerika na nanganganib ang buhay niya at anak na babae ku’ng manatili siya sa Pilipinas?
Dating police sa Davao City at hepe sa Cebu City si Garma. Naging malapit siya kay mayor na naging presidenteng Rody Duterte. Dalawang krimen ang ibinunyag niya tungkol kay Duterte:
(1) Pag-utos sa pulis na patayin ang mga suspetsadong akyat-bahay, manggagantso at shabu pusher;
(2) Pagbigay ng quota at cash reward para sa pagpatay sa kanila.
Sinumpaan ni Garma ang salaysay niya sa House quad comm. Humingi umano si bagong halal na Presidente Duterte nu’ng June 2016 ng tulong maghanap ng PNP officer na magpapatupad pambansa ng Davao model ng drug war. Nirekomenda niya si Col. Edilberto Leonardo, na naging Napolcom commissioner.
Nagtala umano sina Duterte at PNP ng drug lords, ninja cops at mga protektor. Naglaan ng pabuya: P20,000 kada pusher na mapapatay, P100,000 kada shabu distributor, at P1 milyon kada high-value target.
Bilang testigo sa krimen, si Garma ay protektado ng pamahalaan. Protektado rin siya bilang dating mataas na opisyal ng PNP.
Ano kaya ang ikakatwiran ni Garma para patunayang inaapi siya sa Pilipinas dahil sa kasapian o paniniwala?
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).