Dapat magtrabaho nang husto ang Philippine National Police (PNP) para hanapin ang taong kinausap ni Vice President Sara Duterte na papatay kina President Ferdinand Marcos Jr, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez. Kung hindi agarang kikilos ang PNP, sila ang masisisi kapag may nangyari sa mga binantaang papatayin. Kahit pa naghigpit na rin ang Presidential Security Group (PSG) para maprotektahan ang Presidente, maisasagawa pa rin ang krimen kung gugustuhin. Wala nang imposible ngayon kung isasakatuparan ang plano. Hindi mapipigilan ang taong nag-utos.
Sa press conference noong Sabado ng umaga, sinabi ni Duterte: “’Wag kang mag-alala sa security ko kasi may kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya, ‘pag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez. No joke. No joke. Nagbilin na ako, Ma’am. ‘Pag namatay ako, ‘wag ka tumigil hanggang hindi mo mapapatay sila.”
May kinausap na umanong tao si Sara para magsagawa ng pagpatay kina BBM, Liza Marcos at Martin Romualdez sakaling patayin siya. ‘Pag namatay daw siya ay huwag tumigil hanggang hindi napapatay. Hindi raw joke ang mga sinabi niya.
Sa pagsasalita ni Sara ay halatang hindi siya nagbibiro. Totoo ang kanyang mga sinasabi. At dapat seryosohin ito ng mga alagad ng batas para hanapin ang taong kinausap ni Sara na magsasagawa ng kanyang utos. Hindi ito basta nasabi lamang ng Vice President kundi mayroon nang nakahandang plano sakali’t siya ay mapatay.
Dapat din namang mabusisi ang Vice Presidential Security Group ni Sara at baka narito ang “mystery hitman” na magsasagawa ng utos ni Sara. Sino ang makapagsasabi lalo na’t marami ang naka-assigned na security ng Vice President. Ayon sa PNP, may 389 security personnel si Sara. Ang VP Security Group ay itinatag ilang araw bago bumaba sa puwesto si dating President Rodrigo Duterte.
Mainit na mainit ang isyu sa misteryosong tao na kinausap ni Sara para magsagawa ng kanyang utos. Dahil dito, maraming reklamo ang isinampa laban kay Sara. Sinampahan na rin siya ng disbarment case sa Supreme Court. Pinadalhan na rin siya ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) at pinahaharap bukas (Nobyembre 29) para magpaliwanag sa mga bantang binitawan.
Kamakalawa, kumambyo naman si Sara at sinabing “maliciously taken out of logical context” daw siya. Wala naman daw siya sinabing assassin. Wala naman siyang dahilan para gawin iyon maliban lang kung sakaling siya ang unang papatayin.
Ang nasabi ay nasabi na. Paghusayan ng PNP ang paghahanap sa “taong” kinausap ni Sara at iharap para malaman ang katotohanan.