Minahan sa Abra, suriin!

NANININDIGAN ang National Commission on Indigenous Peoples-Cordillera Administrative Region (NCIP-CAR) na kailangang aprubahan ng mga katutubong Tingguian sa pamamagitan ng prosesong Free-and-prior-informed-consent (FPIC) bago ang exploration sa kanilang lupain.

Ayon sa NCIP-CAR, hindi nakabuyangyang ang lupain ng mga katutubo kaya mali ang pagsasantabi sa karapatan ng mga ito sa mga proyektong nais maisagawa sa komu­nidad.

Pinagpapaliwanag ang CFC-subsidiary Yamang Mineral Corporation (YMC) kung bakit hindi ito lalabag sa Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) sa exploration activities sa mga bayan­ ng Sallapadan, Licuan-Baay, Lacub at Malibcong sa Abra.

 Inirarason ng YMC na ginawaran sila ng MGB-DENR Authority to Verify Minerals (ATVM), na ayon sa dambuhalang kompanya, hindi kailangan ng FPIC dahil exploration pa lamang naman ito.

 Naninindigan din ang YMC na hindi sarado ang mga ancestral domain ng mga katutubo sa pagmimina dahil hindi tuwirang binabanggit sa Executive Order No. 79, Series of 2012 ni dating Pres. Noynoy Aquino na hindi maaring mag­mina sa mga lupang ancestral.

Hahamunin ng NCIP-CAR ang legalidad ng iginawad ng MGB-DENR na ATVM sa YMC, dahil klaro sa Section­ 16 ng IPRA (Republic Act No. 7942) na hindi bukas sa pag­mimina ang mga lupang ancestral nang walang kaukulang pag-apruba ng mga nakatira roon. 

Ayon pa sa NCIP-CAR, may kaukulang jurisprudence na ang ganitong pananaw sa Supreme Court joint decision sa Lone District of Benguet v. Lepanto and Republic v. Le­panto (G.R. No. 244063, June 21, 2022).

Magpapatawag ng pagdinig si Abra Rep. Menchie Bernos kaugnay sa usapin na ito.

Alin ba ang dapat masunod, ang IPRA o ang EO 79, series of 2012.

* * *

Para sa comment, i-send sa: art.dumlao@gmail.com

Show comments