Ngayon araw na ito ay ibabahagi ko sa inyo ang isang napakagandang farm sa Nueva Ecija at marahil pagkatapos ninyong mabasa ito ay gusto na ninyong puntahan ora mismo para mamitas ng sweet golden honey melon.
Ang akin tinutukoy ay ang Grovest Greenfield Corporation na pag-aari ng pinay na si Clarice Azarcon-Kong at ang kanyang Malaysian husband na si CK na makikita sa Barangay Pulo, San Isidro Nueva Ecija.
Si Clarice ay dating nagtrabaho sa isang kilalang airline company pero nag-resign dahil mas pinili nito na i-manage ang kanilang farm para makatulong sa kanilang community.
Nais ni Clarice at mister nitong si CK na ipalaganap ang kanilang bagong teknolohiya sa pagsasaka para makatulong sa libo-libong magsasaka sa buong bansa upang magkaroon masaganang ani tungo sa masaganang buhay.
“Our vision is to give the farmers a better life,” sabi ni Clarice.
May kabuuang 10-ektarya ang Grovest Greenfield Corporation na gumagamit ng drone sa pagsasaka lalo na sa pag-ispray ng insecticide.
May sariling “halimaw” na gamit ang Grovest sa pag-harvest ng palay habang ang kanilang mga tanim na mushroom ay naka-aircon pa sa secured na area.
Ang isa sa pumukaw ng akin pansin at paningin sa pagbisita ng Masaganang Buhay Team sa Grovest Greenfield ay ang kanilang Japanese Golden Honey Melon na nakatanim sa plastic na may cocopeat sa malalaking green houses.
Anim na green houses ang aming dinatnan at may ginagawa pa na pawang may mga tanim na melon.
Pick and Pay ang concept ng Grovest sa kanilang mga tanim na melon na napakatamis at napakasarap.
Sa ngayon ay every 15-days ay may maha-harvest na melon sa Grovest na sadyang dinarayo ng ating mga kababayan na galing pa sa iba’t ibang lugar at probinsiya.
Pami-pamilya na ang nag-a-avail ng melon Pick and Pay sa Grovest kaya kailangan munang magparehistro sa kanilang FB page bago magtungo sa kanilang farm.
Sa darating na December 13 to 15 at December 23 to 29 ay naka-schedule ang next harvest ng Japanese Melon sa Grovest kaya pa-reserve na kayo ng slot baka, kayo ay maubusan.
Ako na po ang magbibigay ng garantiya sa inyo na kapag hindi kayo natamisan sa melon ng Grovest ay huwag ninyong bayaran. Ako po ang magbabayad para sa inyo.
Plano ng Grovest na every week ay mayroong ma-harvest na masarap na melon.
Kaya ano pa ang hinihintay ninyo...reserve your slots for the next harvest sa FB page ng Grovest Greenfield.
Maganda at masayang bonding po ng pamilya ang pick and pay ng golden honey melon sa Grovest.
Ngayong Linggo, November 24, 2024 ay mapapanood ninyo ang interview at farm tour kay Clarice sa kanilang farm sa TV Show ng Magsasakang Reporter na Masaganang Buhay.
Samantala, para sa iba pang tips at sikreto sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng halaman sa pamamagitan ng organikong pamamaraan ay maaari po kayong manood at makinig ng aking TV program na Masaganang Buhay tuwing Linggo, alas-7:00 hanggang alas-8:00 ng umaga sa OnePH Cignal TV, Channel 1 ng TV-5. Mapapanood din sa RPTV, Facebook at Youtube.
Maaari rin kayong manood at mag-subscribe at mag-follow sa aking Youtube Channel na ANG MAGSASAKANG REPORTER at Facebook profile na Mer Layson at Facebook page na Ang Magsasakang Reporter, TV host Vlogger, Tiktok na Magsasakang Reporter para sa iba pang kaalaman at ipormasyon sa pagtatanim ng iba’t ibang uri ng halaman sa pamamagitan ng organikong pamamaraan.
Tuwing araw ng Martes ay regular ninyong mababasa ang aking kolum dito sa Pilipino Star Ngayon (PSN) ng Star Media Group.
Nitong nakalipas na July 28, 2024 ay ginawaran ang Magsasakang Reporter bilang Asia’s Versatile and Promising Columnist on Agriculture of the year ng 9th Asia Pacific Luminares Award sa Heritage Hotel, Pasay City.
Sa mga tanong at komento ay maaari ninyo akong i-text, huwag po tawag, sa 09178675197. STAY SAFE, SALAMAT PO, HAPPY FARMING, GOD BLESS US ALL.