Mahilig mamilosopo ang mga Katoliko tungkol sa alak. Anila, kung ang pari ay tumatagay nang harapan sa misa, e di tayo puwede rin.
Sa Katolikong Denmark high school pa lang ay nagbi-beer na sa kalye o tren, lalaki o babae. Sa Katoliko ring France tumutungga ng isang basong Vino gabi-gabi at dalawang baso ang lalaki.
Sa Protestanteng America edad-18 ay puwede nang magsundalo at pumatay ng kalaban, pero dapat 21 bago uminom. Sa Pilipinas tagabili ng toma ang mga musmos kaya tumitikim na.
Malaking kasiraan sa utak ng 22 anyos pababa ang alak, ayon sa bagong saliksik. Nirepaso ang 107 na pag-aaral sa nakaraang 40 taon, at nalinang na walang mabuting idinudulot ang alcohol. Huli na ang lahat para sa maraming manginginom.
Nu’ng 2022 lumabas ang pagsusuri na maski konting alak lang ay masama sa puso. Umuurong ang utak, parang tumatanda, ang pag-inom ng isa o dalawang baso gabi-gabi, anang Nature. Maraming oncologists ang nagbababala na nakaka-cancer ang alak.
Isinabatas sa Ireland nitong 2024 ang cancer warning sa lahat ng alak: “May direktang ugnayan ang pag-inom sa nakamamatay na cancer.” Sa Canada rerebisahin ang mga alituntunin sa alcohol. Ipapaskel na medyo mapanganib na ang isa o dalawang tagay kada linggo, at labis ang tatlo hanggang anim.
Siyempre todo bawal uminom ang buntis, musmos, may diabetes, at nagki-chemo therapy. Pero ang mga Pinoy may kuwento pa para sa paboritong serbesa:
“Sa Aming Nayon May Isang Grupo Uminom E Lasing; Pati Ako Lasing E, Pati Ikaw Lasing; Sige Enom Na.”
Basahin ang unang titik ng bawat salita.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).