Isang 28-anyos na South Korean national ang naaresto sa Jorge Chávez International Airport sa Peru matapos mahuli sa tangkang pagpupuslit ng daan-daang tarantulas, centipede, at bullet ants patungo sa South Korea.
Ayon sa National Forest and Wildlife Service (SERFOR) ng Peru, nahuli ang suspek noong Nobyembre 8 nang mapansin ng mga awtoridad ang isang pasahero na hindi pangkaraniwan ang laki ng tiyan habang dumadaan sa airport security.
Nang siyasatin, nadiskubre na nakasuot ito ng dalawang girdle na may mga nakakabit na mga pakete ng Ziploc bags.
Sa isinagawang inspeksiyon, narekober ng mga airport officials ang 35 adult tarantulas, 285 young tarantulas, 110 centipedes, at 9 na bullet ants.
Ayon kay Walter Silva, wildlife specialist ng SERFOR, ang mga hayop ay iligal na kinuha mula sa kagubatan at bahagi ng milyong dolyar na industriya ng illegal wildlife trafficking.
May hinala na nagmula ang mga hayop sa Madre de Dios, na kilala sa mayamang biodiversity nito. Sa kasalukuyan, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.
Base sa ulat ng United Nations noong Mayo, ang wildlife trafficking ay nakaaapekto sa higit 4,000 species ng halaman at hayop sa buong mundo.
Ayon kay Ghada Waly, executive director ng United Nations Office on Drugs and Crime, ang ganitong mga krimen ay hindi lamang nakapipinsala sa kalikasan, kundi pati na rin sa kabuhayan, public health, at climate change.
Ang insidenteng ito ay nagbigay-diin sa patuloy na hamon ng illegal wildlife trafficking, na nangangailangan ng mas mahigpit na hakbang mula sa mga pandaigdigang awtoridad.