Apat na residente sa Los Angeles, California, U.S. ang inaresto matapos mabisto na gumamit sila ng bear costume para magsagawa ng insurance fraud!
Ang imbestigasyon na tinawag na “Operation Bear Claw” ng mga awtoridad, ay nagsimula noong nakaraang Pebrero 2024 matapos maghain ang mga suspek na sina Ararat Chirkinian, Vahe Muradkhanyan, Ruben Tamrazian at Alfiya Zuckerman ng kahina-hinalang insurance na nagsasabing isang oso ang sumira sa kanilang 2010 Rolls Royce Ghost habang nakaparada sa Lake Arrowhead.
Ayon sa claim ng mga suspek, pumasok daw ang isang mabangis na oso sa loob ng kanilang sasakyan at nagdulot nang matinding pinsala. Ngunit agad na nagduda ang mga imbestigador nang suriin nila ang video na ibinigay ng mga suspek, kung saan makikita ang isang mabalahibong hayop na pumasok sa kotse at kinalmot ang mga upuan nito.
Ipinasuri sa California Department of Fish and Wildlife ang video at napansin ng mga ito na may mga hindi tumugmang detalye: ang “oso” sa video ay kulay light brown, hindi tulad ng mga black bear na matatagpuan sa California. Bukod dito ay kapansin-pansin na ang galaw ng “oso” sa video ay hindi parang isang tunay na oso.
Sa masusing pag-analyze sa video, ang “oso” ay isang tao na nakasuot ng bear costume. Lumalabas din na hindi lang isang insurance claim ang isinumite ng mga suspek.
Noong 2023, nag-claim din sila ng insurance para sa mga kotseng 2015 Mercedes G63 AMG at 2022 Mercedes E350 na inatake rin ng oso. Dahil dito, naging tiyak ang mga imbestigador na ang mga suspek ay sangkot sa isang malawakang scam.
Sa layuning makuha ang pinaka-matibay na ebidensya, nagsagawa ang mga pulis ng search warrant sa bahay ng isa sa mga suspek at may natagpuan silang bear costume na kumpleto sa mabalahibong ulo, mga pangil, at mga gamit na metal na hugis pangil na ginamit upang magdulot ng pinsala.
Ang apat na suspek ay nahaharap ngayon sa malalaking kaso, at kung mapatutunayan silang nagkasala, maaari silang makulong at magbayad ng multa dahil sa pandaraya.
Dahil sa ginawa ng apat, halos $142,000 ang nadaya sa mga insurance company.
Ang kaso ay patuloy na iniimbestigahan, at ang mga awtoridad ay nagsasagawa pa ng karagdagang pagsusuri upang alamin kung may iba pang insidente ng pandaraya na kinasangkutan ang mga suspek.