MATINDI ang expose ni kaibigang Ted Failon sa party-list election. Ibinunyag niya na ang unang tatlong nominees na kakatawan sa mga manininda ay hindi naman nasa laylayan ng lipunan.
Ang No. 1 nominee ay presidente ng minahan at kontratista sa DPWH; halagang P190 milyon ang dalawang kasalukuyang proyekto. Ibig sabihin, may malaking puhunan.
No. 2 ay dating nasakdal na lokal na opisyal. No. 3 ay isa ring malaking kontratista. No. 4 lang ang magpapares na sikat ngayon sa social media.
Matagal nang nababoy ang party-list voting. Ginagamit na ito ng political dynasts, malalaking negosyante, at tiwaling burokrata para isulong ang pansariling interes, ani Prof. Danny Arao, convenor ng election watchdog Kontra Daya.
Sinusuri ng Kontra Daya kada eleksyon ang party nominees. Pinapaskel online ang resulta. Markado sa website ang party-lists ng naghaharing uri sa pulitika at ekonomiya.
Napaamin ni Ted Failon ang number one nominee ng mga manininda. Tumataginting na P800,000 daw ang binayad nito para sa Comelec accreditation.
Halos mahulog sa upuan si Prof. Danny. Ang filing fee sa Comelec ay P10,000, masyado na ngang mahal para sa totoong nasa laylayan, plus P100 legal research fee. Kung P800,000 ang iginasta, e para kanino?
Binabatikos ni Baguio City Mayor Benjie Magalong ang katiwalian ng mga pulitiko. Garapalan daw kumikikil ang mga ito ng 40 percent kickback kada proyekto. Hindi pa kuntento ru’n, nagiging kontratista at supplier na rin ng proyekto ang pulitiko. Dagdag itong 30 percent na kita.
Sa expose ni Ted, kontratista at supplier na ang nais maging pulitiko. Ang kauuwian ay ganundin – 70 percent “tongpats”.