Hakot awards na naman ang Makati City sa 2024 Urban Governance Exemplar Awards na ginanap ng Department of the Interior and Local Government-National Capital Region sa Novotel Manila Araneta City noong October 28, 2024.
Muli nating napatunayan ang kahusayan ng Makati sa pamamahala at ang dedikasyon ng ating pamahalaang lungsod sa pagbibigay ng better na serbisyo para sa bawat Makatizen!
Nakamit natin ang Top Performing LGU sa Local Government Unit Compliance Assessment ng Manila Bay Clean-up Rehabilitation and Preservation Program (MBCRPP) sa loob ng tatlong sunud-sunod na taon, kasama na ang mga natatanging parangal sa Liquid Waste Management, Informal Settler Management, at marami pang iba. Ang mga pagkilalang ito ay bunga ng ating sama-samang pagsisikap para sa isang mas ligtas, malinis, at masiglang komunidad.
Ngunit hindi lang dito nagtatapos ang ating mga layunin. Sa harap ng mga mapaminsalang epekto ng climate change, lalo na ang pinsalang dulot ng bagyong Kristine, nararapat na pag-ibayuhin natin ang mga hakbang para mapangalagaan ang ating mga pamayanan.
Marami sa mga nasawi ay naninirahan sa mga lugar na mataas ang panganib sa landslide at pagbaha. Kaya mahalaga ang agarang pagsusuri at pag-update sa National Land Use Plan upang mailayo ang ating mga komunidad sa panganib.
Patuloy kong isusulong ang mas mahigpit na pagpapatupad ng batas upang mapanagot ang mga nagpapabaya sa ating kapaligiran. Naniniwala ako na kailangan ng malalim at matagalang pagbabago upang maging resilient at sustainable ang mga lungsod at bayan, at maiwasan ang patuloy na banta ng kalamidad.
Sa kabila ng mga hamon, hindi tayo nag-iisa sa laban na ito. Nananawagan ako sa aking kapwa local leaders na yakapin ang transformative leadership at makipagtulungan sa national government, pribadong sektor, akademya, at mga international organizations upang makamit ang kinakailangang resources para sa mas epektibong climate action.
Sama-sama nating isulong ang mga sustainable at ligtas na komunidad para sa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon.
Sa ating #ProudMakatizens, maraming salamat sa inyong suporta at tiwala. Ang mga pagkilalang ito ay para sa inyo!