Ang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong 2024 ay P5.768-trillion at P255 billion dito ay nakalaan para sa flood control projects. Para sa 2025 budget, malaki na naman ang nakalaan para sa DPWH at siyempre, malaki ang nakalaan sa flood control. Kasalukuyang pinagdedebatehan sa Kongreso ang 2025 national budget.
Napakalaki ng budget ng DPWH. Ito ang may pinakamalaking slice sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan. Pero sa kabila na may malaking pondo, bigo ang DPWH na magampanan ang tungkulin para magamit nang maayos ang pondo lalo sa flood control projects. Saan napupunta ang pondo at maraming napapabayaan?
Nang humagupit ang Bagyong Kristine at lumubog sa baha ang maraming lugar sa bansa noong Huwebes at nag-iwan ng 81 na patay, maitatanong kung anong nangyari sa flood control program ng pamahalaan.
Grabe ang pagbaha sa Bicol Region na hanggang sa kasalukuyan ay nararanasan pa. Maraming bahay ang inanod. Nag-akyatan sa bubong ng bahay ang mga residente para makaligtas sa nagngangalit na baha. Dalawampu’t walo katao ang namatay sa Bicol Region na karamihan ay nalunod.
Grabe rin ang pagbaha sa Quezon province na ang mga tao ay kinailangang umakyat sa bubong at doon ni-rescue. Sa Lemery, at Sto. Tomas. Batangas, lampas tao ang taas ng baha. Sa Calamba, Bay at Calauan, Laguna ay nagmistulang dagat ang mga nasabing bayan.
Mataas din ang baha sa Bacoor, Cavite; Las Piñas, Cainta, at Antipolo, Rizal; Quezon City, Maynila at Valenzuela.
Bumaha rin sa maraming bayan sa Bulacan, Pampanga at sa mga probinsiya sa Northern Luzon dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine. Habang palabas ng bansa ang Bagyong Kristine, isa pang sama ng panahon ang nagbabantang pumasok sa bansa at maaring magdulot na naman ng pagbaha.
Malaki ang pondo ng DPWH para sa flood control projects. Subalit tila walang napupuntahan ang malaking pondo. May nagagawa bang paraan ang DPWH para sa problemang baha? Nagagampanan ba ang tungkulin? Matagal nang problema ang baha lalo sa Metro Manila pero hanggang ngayon, nananatili pa ring problema.
Ang malawakang pagbaha dahil sa Bagyong Kristine ay nagmulat sa mata ng Senado para magkaroon ng inquiry lalo pa’t pinagdedebatehan ang 2025 budget para sa DPWH. Sabi ni Senate President Escudero tatanungin ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno kung ano ang nangyari sa multi-bilyong pondo para sa flood control projects.
Dapat lang tanungin ang DPWH at iba pang ahensiya. Anong nangyari sa pondo para sa flood control at patuloy na nalulubog sa baha ang bansa?