5 pangunahing sakit ng mga Pilipino

1. High blood pressure – Kapag ang blood pressure niyo ay palaging lampas sa 140 over 90, ang ibig sabihin ay may high blood pressure o altapresyon ka na. Isa sa 4 na Pilipino ay may high blood pressure. Ang normal na blood pressure ay mas mababa sa 140 over 90.

Heto ang mga tips: (1) Magbawas ng timbang; (2) Mag­bawas sa pagkain ng maaalat. Umiwas o magbawas sa pag­gamit ng asin, toyo, patis at bagoong; at (3) Mag-eher­sisyo ng 3 hanggang 5 beses bawat linggo. Kapag palaging mataas sa 140/90 ang iyong blood pressure, kailangan mo nang uminom ng gamot.

2. Diabetes – Kung ika’y may nararamdamang pama­manhid, laging nauuhaw, madalas umihi, o namamayat, magpa-check sa diabetes. Kapag ang iyong blood sugar ay higit sa 126 mg/dl pagkatapos ng 10 oras na hindi pag­­kain (fasting blood sugar), nangangahulugang may diabetes ka na. Umiwas sa dalawang bagay: Matataba at mata­tamis na pagkain. Mag-ehersisyo rin ng regular at huwag magpataba.

Depende sa taas ng iyong blood sugar, may mga mura at mabisang gamot sa diabetes, tulad ng Metformin at Gliclazide. Kung hindi mo mako-kontrol ang iyong blood sugar, ay mapapabilis ang pagdating ng komplikasyon nito.

3. Mataas na cholesterol – Mataas ang iyong cholesterol kapag lampas ito sa 200 mg/dl. Mag-diyeta na. Posibleng kailangan uminom ng gamot kapag lampas sa 240 ang cholesterol. Subukang mag-diyeta ng 2 buwan. Iwas taba, karne, cakes at icing muna. Pagkaraan ng 2 buwan, ipa-test uli ang cholesterol at kapag lampas ulit sa 240 mg/dl, doon tayo magsisimula ng gamot na Statins.

4. Sakit sa kidneys – Kung mayroon kang diabetes o high blood pressure, kailangan mong bantayan ang iyong kidneys. Ang diabetes at high blood ay nakasisira sa kidneys. Kada­lasan ay walang nararamdaman ang mga taong may sakit sa kidneys. Kapag may kidney failure na, humihina na ang daloy ng ihi.

Heto ang tips: (a) Bawasan ang alat ng pagkain; (b) Limitahan ang protina sa pagkain. Mas kumain ng isda, gulay at prutas; (c) Iwasan ang pag-inom ng pain relievers (gamot sa kirot); (d) Uminom ng 8-10 basong tubig bawat araw.

5. Cancer – Kapag ang isang tao ay wala pang kanser, ang pinakamagandang kainin ay ang tatlong K: kamatis, karrots at kalabasa. Puwede rin ang mga pagkaing ito para makaiwas sa kanser: green tea, curry powder, bawang, sibuyas, sibuyas dahon, repolyo, cauliflower, tofu o tokwa, at talong. Damihan ang pagkain nitong anti-cancer foods. Bawasan ang pagkain ng hindi masustansiyang pagkain tulad ng baboy, baka, hotdog, bacon, ham at longganisa.

***

Ilang paraan para maging malusog at humaba ang buhay.

1. Maging maingat – Ang maingat na tao ay mahaba ang buhay, ayon sa report ng Terman life-Cycle Study. Ang maingat ay isang kasanayan ng pagiging organisado at disiplinado sa iyong mga ginagawa. Ang maingat na tao ay maaaring mas alam ang kanilang pangangailangang pangkalusugan. Pinipili niya ang mas masustansiyang pagkain. Ipinapakita rin sa isang pag-aaral na ang mga batang hindi maingat ay namamatay ng maaga. Ang isang leksyon ay turuan ang ating mga anak na alalahanin ang kanilang kalusugan.

2. Isipin na bata ka pa – Kapag inisip mo na ikaw ay matanda na, mararamdaman mo na ikaw nga ay matanda na. Ngunit kung iisipin na ika’y bata pa ay ang iyong katawan ay susunod. Panatilihin na ikaw ay bukas sa mga bagong hamon at oportunidad kahit na ano pa ang edad. Maging maalam sa mga balita. Pag-aralan ang mga bagong technology sa halip na ito ay iwasan. Makisalamuha sa mga mas bata sa iyo para mahawahan ng kanilang lakas. Kumain ng sapat, huwag manigarilyo, at tumulong sa komunidad.

3. Panatilihing aktibong isip – Gamitin ang utak o kung hindi, ay manghihina ito. Samakatuwid, huwag agad na magretiro sa trabaho. Isaalang-alang ang pagbalik sa eskuwela kahit na may edad na. Patuloy na gawin ang gusto mong gawin. Sa isang pag-aaral sa Rush University Medical Center sa Chicago, ang mga taong patuloy na aktibo sa pagbabasa, pag-aaral at paglutas ng mga puzzle ay halos 50 percent ang bawas sa sakit ng Alzheimers.

4. Manatiling payat – Bukod sa pagiging sobra sa timbang ay malinaw na isang kadahilanan ng panganib sa pagtaba ay ang sakit sa puso, diabetes at arthritis. Sa isang pag-aaral noong 2006 ng National Institute of Health ay nagpakita na ang pagtaas ng timbang ay konektado sa mas maikling buhay. Kaya maging masaya kung ikaw ay payat.

Show comments