PATI ba naman ‘yung gulo sa West Philippine Sea ay pagkikitaan ng mga kawatan sa gobyerno? Tanong ‘yan ng environmentalists tungkol sa bidding para sa “Consulting Services for the Masterplan of Detailed Engineering Study of WPS and Neighboring Islands”.
Proyekto ito ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority. Lutong Macau ang bidding, angal ng mga kritiko dahil:
l P100 million sa loob ng 180 araw – anim na buwan lang para sa masalimuot na saliksik, paglikha, at pagkinis sa masterplan? Karaniwang inaabot ito nang isang taon.
l Dapat daw urban planner nang 15 taon – Bakit urban planner? ‘E hindi naman magtatayo ng lungsod saan man sa WPS sa susunod na 100 taon. Dapat dito ay environment planner na nag-aral ng island tourism o masters ng island development. At bakit hindi 25 taon para mas mayaman sa karanasan?
l Dapat ASEAN architect – Bakit hindi Asia-Pacific environment planner? Hamak na mas maraming isla sa AP kaysa ASEAN.
l Dapat daw may karanasan sa pagtayo ng dalawang stadiums – Saan naman magtatayo ng stadium sa WPS? Iisa lang ang isla roon, ang Pag-asa. Lahat ng ibang sea features ay bahura at sandbar. At paano dadalhin doon ang mga manonood sa stadium?
May arkitektong malapit umano sa Malacañang. Nagtayo kamakailan ng dalawang stadiums.
Swak sa kanya lahat nang nakapaskel sa bidding terms of reference.
Pinabulaanan ni TIEZA chief operating officer Mark Lapid ang anumang anomalya. Hinigpitan daw ng technical working group ang mga kuwalipikasyon para siguradong de-kalibre at mahusay ang bidders.
Dala na sila sa copy-paste bidders, ani Lapid. Maselan ang proyekto kaya dapat daw ay matitino lang ang kasali.