Pinaligiran ng may 100 raccoon ang bahay ng isang babae sa Washington State sa U.S. matapos niyang pakainin dati ang isa sa mga ito!
Ang mga sheriff deputy sa Kitsap County ay madalas makatanggap ng mga reklamo tungkol sa mga hayop. Kalimitan ay tungkol ito sa mga nakatakas na alagang hayop sa bukid at mga asong gala.
Ngunit kamakailan ay nakatanggap sila ng weird na tawag mula sa isang babae na hina-harass siya ng mga raccoon matapos paligiran ang kanyang bahay.
Ayon sa sumbong ng hindi pinangalanang babae, kinailangan nitong lumikas sa malayo matapos palibutan ng mahigit 100 raccoon ang bahay nito. Sinabi nito sa deputy na nagsimula itong magpakain ng isang pamilya ng mga raccoon ilang taon na ang nakalipas at naging maayos naman ito.
Hanggang anim na linggo na ang nakararaan, biglang tumaas ang bilang ng mga dumarayong raccoon sa bahay nito para humingi ng pagkain.
Kuwento pa ng babae, simula nang dumami ang mga raccoon ay natuto ang mga ito na maging agresibo sa paghingi ng pagkain.
Hinahabol na siya ng mga ito mapaaraw man o gabi. Natutuhan na rin ng mga ito na kalmutin ang labas ng kanyang pintuan. Kapag galing siya sa labas at ipinaparada niya ang kotse, pinalilibutan siya ng mga ito at kinakalmot ang kotse.
Alam na rin ng mga ito na salubungin siya kapag lumalabas siya ng pinto. Pati ang mga kapitbahay ng babae ay napeperwisyo na rin ng mga raccoon. Kaya ang ilan sa mga ito ay gustong sampahan ng kaso ang babae matapos malaman na ang pinagsimulan nito ay ang pagpapakain niya sa mga raccoon.
Pero ayon sa tagapagsalita ng Washington Department of Fish and Wildlife, hindi ipinagbabawal ang pagpapakain sa maliliit na hayop. Ang ilegal ay ang pagpapakain sa malalaking carnivore, gaya ng mga oso o cougar.
Habang maaaring may lokal na batas ang mga county na nagbabawal sa pagpapakain ng ibang uri ng wildlife, kasalukuyang hindi ito ipinagbabawal sa Washington state.
Gayunpaman, hinihikayat ng ahensiya ang mga tao na huwag magpakain ng mga hayop sa kagubatan. Halimbawa, ang mga raccoon ay maaaring magdala ng sakit, at maaari ring sumunod sa kanila sa mga residential area ang mga predator tulad ng mga coyote at oso.
Sa kasalukuyan, nakipagkita ang isang wildlife specialist sa babae, at ipinangako nito na ititigil na niya ang pagpapakain sa mga raccoon. Sa ngayon, naapula na ang pagdagsa ng mga raccoon sa bahay ng babae at napaalis na ang mga ito sa tulong ng mga tauhan ng Washington Department of Fish and Wildlife.