Isang office girl sa Yokohama, Japan ang nagawang mapigilan ang isang magnanakaw sa pamamagitan ng pag-headlock dito, sa kabila ng walang kahit anong kaalaman sa martial arts!
May binibili ang 23-anyos na si Karin Ryo sa isang convenience store sa Tsurumi Ward, alas-otso ng gabi noong Setyembre 16 nang maganap ang insidente. Habang nasa tindahan si Ryo, may isang lalaki na nagtangkang magnakaw ng six-pack na beer. Nang tangkain nitong tumakas, pinigilan ito ng isa sa mga staff ng convenience store. Dahil dito, nagkaroon ng komosyon malapit sa entrance ng tindahan.
Nang napansin ni Ryo na nagkakainitan na ang magnanakaw at staff, sinubukan niyang mamagitan sa mga ito ngunit sinubukan din siyang saktan ng magnanakaw. Dahil dito, inipit ng mga binti niya ang binti ng magnanakaw upang matumba ito at hineadlock niya ang ulo nito.
Tinangka ng magnanakaw na makawala sa pamamagitan ng pagkagat sa kaliwang braso ni Ryo, na sa sobrang lakas ng pagkakakagat ay kita pa rin ang mga bakas ng ngipin kahit dalawang linggo na ang lumipas. Gayunpaman, hindi bumitaw si Ryo at pinanatili ang magnanakaw sa headlock position hanggang sa dumating ang mga pulis, at naaresto ito.
Bilang isang office worker na nagtatrabaho sa Tsurumi, hindi kasama sa pang-araw-araw na trabaho ni Ryo ang pagharap sa mga kriminal, kaya pagkatapos ng insidente, may ilan ang nag-isip kung may karanasan ba ito sa martial arts. Ngunit sa panayam kay Ryo, sinabi nito na wala siyang kahit anong training dito.
“Wala akong experience at training sa martial arts. Mas may kaalaman ako sa tea ceremony,” sabi niya, at sinabing natutunan niya ang headlock technique mula sa panonood ng anime. “Mahilig ako sa anime, kaya ginaya ko lang kung ano ang napapanood ko.” Kuwento nito habang dine-demonstrate sa mga kapulisan ng Tsurumi precint ang pag-headlock niya ang magnanakaw. Makikita sa nag-viral na mga litrato ang reenacment ni Ryo kung paano niya napigilan ang magnanakaw.
“Nang mga oras na iyon, hindi ako natakot, parang kusa na lang gumalaw ang katawan ko,” pahayag ni Ryo, at idinagdag na pagkatapos na lang ng insidente siya napaisip na baka may kutsilyo ang lalaki o anumang sandata.
Marahil ito rin ang dahilan kung bakit, kahit pinuri ng Tsurumi police precinct ang kanyang katapangan, pinaalalahanan pa rin nito ang publiko na iwasan ang paglalagay sa sarili sa panganib at agad na makipag-ugnayan sa mga awtoridad kapag may nagaganap na krimen.