PITONG taon bago nakamit ni hazing victim Horacio “Atio” Castillo III ang hustisya mula sa kanyang mga “brod” na pumatay sa kanya. Napaiyak pero nakahinga nang maluwag ang kanyang mga magulang nang marinig ang hatol ng hukom sa 10 miyembro ng Aegis Juris fraternity na nagsagawa ng hazing kay Atio noong gabi ng Setyembre 16, 2017. Reclusion perpetua o 40 taong pagkakulong ang hatol ni Judge Shirley Magsipoc-Pagalilauan ng Manila Regional Trial Court Branch 11.
Ang mga hinatulan dahil sa paglabag sa Republic Act 8049 o Anti-Hazing Law of 1995 ay sina Arvin Rivera Balag, Mhin Wei Chan, Axel Munro Hipe, Oliver John Audrey Onofre, Joshua Joriel Macabali, Ralph Trangia, John Robin Ramos, Jose Miguel Salamat, Danielle Hans Matthew Rodrigo at Marcelino Bagtang Jr. Bukod sa pagkakulong, pinagbabayad din ang mga akusado ng P461,800 bilang actual expenses, P75,000 civil indemnity, P75,000 moral damages, at P75,000 exemplary damages.
Si Atio ay freshman student sa UST Faculty of Civil Law nang maganap ang madugong hazing. Grabeng pahirap ang natamo niya sa mga miyembro ng Aegis Juris. Ayon kay Mrs. Carmina Castillo, ina ni Atio, nasira ang kidney ng kanyang anak at inatake sa puso dahil sa tinamong mga palo sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Isang miyembro ng Aegis Juris na nagngangalang John Paul Solano ang nagdala kay Atio sa Chinese General Hospital at unang sinabi na natagpuan niya ito sa Balut, Tondo, Maynila. Pero binawi ni Solano ang pahayag makaraang sumurender sa pulisya. Sinunod lang daw niya ang utos ng mga kasamahan sa Aegis Juris. Hindi raw siya kasama sa initiation rites at ang papel lang niya ay ang pagbibigay ng first aid kay Atio.
Ang pagkamatay ni Atio ang naging daan para amyendahan ang RA 8049. Noong Hunyo 2018, isang taon makaraang mapatay si Atio, ipinasa ang RA 11053. Mas mabigat at matapang ang bagong batas na tuluyang nagbabawal sa hazing sa anumang student o community organizations, kabilang ang fraternities at sororities. Sa ilalim ng RA 11053, babantayan ang mga isasagawang initiation rites at mananagot ang mga school kapag nagkaroon ng kamatayan sa mga miyembro.
Sa kabila naman na mas matapang ang inamyendahang batas, marami pa ring hazing ang naganap. Pinakabago ang pagkamatay ng 18-anyos na si Ren Joseph Bayan ng Jaen. Nueva Ecija. Namatay siya noong Setyembre 29 (Linggo) dahil sa hazing ng Tau Gamma Phi fraternity.
Paigtingin pa ang batas laban sa hazing. Iligtas ang mga kawawang kabataan na nagiging biktima ng mga sanggano na kunwari ay fraternity pero ang totoo, samahan ng mga mamamatay-tao.