Legal, makatarungang ganti sa pambubusabos ng China

DETERMINADO ang China na pagbawalan tayong Pilipino na lumayag sa sarili nating dagat. Nu’ng June 17 kinuyog ng mahigit 40 China coastguards ang pitong Filipino sailors na nagdadala ng pagkain sa BRP Sierra Madre.

Walang sandata ‘yung pitong tauhan natin. Armado ng itak, palakol, sibat, laser gun, strobe light, at pangalawit, winasak ng Chinese ang Philippine Navy rubber boat.

Tapos, mabilis nag-press release ang Chinese Embassy. Kesyo raw nambunggo ang PN rubber boat at namasok umano sa karagatan ng China. Pero alam ng buong mundo na ang Sierra Madre ay nakasadsad sa Ayungin Shoal na nasa loob ng 200-milyang exclusive economic zone ng Pilipinas at 650 milya sa dulo ng EEZ ng China.

Samantala, nu’ng June 19, nakiraan ang apat na barkong pandigma ng People’s Liberation Army-Navy sa karagatan natin. Pumasok ang mga ito sa Balabac Strait sa pagitan ng Palawan at Mindanao, at lumabas sa Surigao Strait patu­ngong Pacific Ocean.

International sea lane talaga ang ruta na ‘yon. Daanan ng mga barkong dayuhan, pangkomersyo man o militar. Gan’un din ang Sibutu Strait sa Tawi-Tawi, at Balintang Channel sa pagitan ng Batanes at Luzon. Sa ilalim ng UNCLOS, maari makiraan ang mga dayuhang barko sa panloob na dagat ng mga bansang kapuluan.

Pero kung binubusabos tayo ng China sa West Philippine Sea, dapat bawalan natin makiraan ang mga barko nito sa mga panloob na dagat natin. Maari natin itong igiit sa ilalim ng Maritime Zones Act. Sa prinsipyo ng resiprosity, papayagan natin makiraan ang China ku’ng rerespetuhin niya ang sobe­renya natin sa WPS.

***

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments