MATAPOS ang 35 na taon na pakikibaka laban sa kriminalidad at iba pang sindikato, sasabak na naman sa bagong pagsubok si Central Luzon director Jose Hidalgo Jr.—ang pulitika. Si Hidalgo ay tatakbong mayor ng Cuyapo, Nueva Ecija sa darating na 2025 midterm election. Si Hidalgo ay dapat magretiro sa Hulyo 15 pa subalit minabuti niyang iwan ang PNP nang maaga para tugunan ang mga alituntunin ng Comelec. “Nais ng taga-Cuyapo ang pagbabago kaya’t iyan ang mga serbisyong ibibigay natin sa kanila,” ayon kay Hidalgo. Ipapasa ni Hidalgo ang kanyang iiwanang puwesto kay incoming Central Luzon director Brig. Gen. Redrico Maranan. Wow na wow, di ba prexy Mar Gabriel Sir?
Kung tutuusin, halos nalibot na ni Hidalgo ang lahat ng sulok ng PNP, bago siya ma-assign sa Central Luzon ng isang taon at anim na buwan. Si Hidalgo na yata ang pinakamatagal na hepe ng PRO3. Ano sa tingin n’yo mga kosa? Si Hidalgo ay naging District Director ng Northern Police District; Battalion Commander ng Regional Mobile Force Battalion; City Director ng Olongapo City at Angeles City at OIC ng Aurora PPO.
Hindi lang ‘yan, naging chief of police din siya ng Pasig City; Ermita Police Station; Cainta Police Station, Tiwi Police Station, Bacacay Police Station, at Boleno Police Station. Kapag isinama ko pa ang ibang assignments at accomplishments ni Hidalgo, tiyak mauubos na ang espasyo ko. Ang bottom line lang dito mga kosa ko sa Cuyapo, well-rounded na opisyal si Hidalgo at dadalhin kayo ng liderato nito sa kasaganaan at kapayapaan.
Hindi naman inanunsiyo ni Hidalgo kung kailan siya magpa-file ng kanyang certificate of candidacy. Subalit sa pagretiro nang maaga, tiyak na ang pagtakbo niya sa darating na Mayo. Kung sabagay, sa ngayon pa lang may preparasyon na si Hidalgo at sa katunayan nakabuo na siya ng sariling “jingle” kung saan itutugtog sa paglilibot niya sa Cuyapo. At higit sa lahat, mayroon na siyang programa na kung tawagin ay “Oplan Double Impact, Welfare Above All!” Isusulong din ni Hidalgo ang Serbisyong Matiwasay, na ang ibig sabihin ay “MAlasakit, maTIno, WAsto, at mahuSAY,” na ang Batang Cuyapo, Bayan Panalo.
Ang platform of governance naman ay may acronym na HIDALGO. Ganito ang mga ‘yon ayon kay outgoing Central Luzon director: Health care services and outreach program; Infrastructure and environment protection; Discipline and education, Agriculture and tourism; Labor and employment; Governmental reforms and IT development, and Open business opportunities and livelihood.
Kumpleto rekado ang programa ni Hidalgo ah. Ano pa nga ba! Sa mga kosa ko sa Cuyapo, saan pa kayo? Kaydali namang magdesisyon dahil si Hidalgo ang kapakanan n’yo ang nasa isipan at hindi ang pansariling lakad. Abangan!