IBA’T IBA ang dahilan nang paglabo ng paningin. Maaaring simpleng paglabo lang at puwede rin namang sintomas ng nakababahalang sakit.
Bawat isa, posibleng magkaroon ng problema sa mata at lumabo ang paningin. Karaniwang dahilan ay nababago ang lens ng mata. Ang paggamot nito ay maaaring ang paggamit ng salamin sa mata.
Ngunit ang paglabo ng paningin, kasama ang sakit sa mata ay maaaring senyales ng glaucoma, isang seryosong kondisyon kung saan tumataas ang presyon sa loob ng mata.
Kung nakararanas ng isang madilim na paningin sa isang lugar kung saan hindi makita ang ilang mga bagay, dapat kang magpatingin sa doktor sa mata.
May iba pang seryosong sakit sa mata tulad ng retinal detachment, diabetic retinopathy, at maging ang stroke o tumor sa utak.
Ang mga sakit sa paningin ay maaaring sanhi ng mga problema sa utak. Ang linaw ng paningin ay kinokontrol hindi lamang ng mga structure ng eyeball (cornea, lens, retina at optic nerve) kundi pati na rin sa mga lugar ng utak kung saan matatagpuan ang mga sentro ng mata ng utak na nasa likod ng ulo.
Kaya mula sa mata hanggang sa utak, maaaring maging sanhi ng mga problema sa paningin. Iyan ang dahilan kung bakit pinakamabuting kumunsulta muna sa isang espesyalista sa mata.