ISANG 58-anyos na lalaki sa Haikou, China ang nalaman na ang sanhi ng mabaho niyang hininga ay isang ipis na pumasok sa kanyang ilong habang siya ay natutulog!
Habang natutulog, biglang nagising na lang ang lalaki na itinago sa alyas na “Mr. Chen” dahil nadama niya na may gumagalaw sa loob ng kanyang ilong. Pagkatapos ay naramdaman niya na may gumagapang sa kanyang lalamunan kaya sinubukan niyang iubo ito.
Pero dahil wala namang lumabas dito kaya bumalik na lang siya sa pagtulog. Nang sumunod na araw, nakalimutan na niya ang tungkol dito pero napansin niya na sobrang baho ng kanyang hininga at hindi ito naaalis kahit ilang beses siyang magsipilyo.
Pagkalipas ng tatlong araw, nanatili ang matinding baho ng hininga ni Mr. Chen at nagsimula na rin siyang umubo na may kasamang yellow sputum o dilaw na plema.
Ang yellow sputum ay plemang lumalabas mula sa respiratory tract na may dilaw na kulay. Ang kulay nito na dilaw ay kadalasang indikasyon na ang katawan ay nagre-respond sa isang impeksiyon o pamamaga.
Dahil dito, nagpasya na si Mr. Chen na magpatingin sa doktor. Una siyang nagpakunsulta sa isang ENT specialist sa Hainan Hospital. Ayon sa doktor, walang nakitang kakaiba sa kanyang respiratory tract.
Pero dahil nag-aalala na si Mr. Chen sa kanyang kalagayan, humingi siya ng second opinion kay Dr. Lin Ling ang respiratory and critical care physician ng naturang ospital. Matapos ipa-CT scan ang dibdib, nakita na may foreign object sa kanang bahagi ng kanyang lungs.
Agad itong isinailalim sa bronchoscopy at pagkatapos nito ay nakumpirma na ipis ang naturang foreign object at nababalot ng plema. Ligtas na natanggal ang ipis at kinailangan lang ng isang araw para makarekober si Mr. Chen bago ito na-discharge sa ospital.
Nag-viral online ang nakakikilabot na medical case na ito sa Chinese netizens at ayon sa mga ito, isa ito sa pinakakinatatakutan nilang mangyari habang sila ay natutulog. Ayon sa doktor ni Mr. Chen na si Dr. Ling, isang pambihirang kaso ito at maliit ang posibilidad na mangyari ito sa karamihan.