Mahilig ang mga opisyales natin na palitan ang pangalan ng mga ahensiya nila. Nabibisto tuloy na ang pinag-aabalahan nila ay mga palamuti ng kapangyarihan.
Ehemplo niyan ang Department of Environment and Natural Resources. Sakop na ng dating pangalang Natural Resources ang environment. Pero idinagdag pa ang huli para animo’y environmentalist ang pinuno. Ek!
Isa pa ang Department of Human Settlements and Urban Development. Akma na ang dating Human Settlements lang. Nu’ng idagdag ang Urban Development, nagmukang lungsod lang ang inaatupag nito at walang pakialam sa kanayunan.
Ngayon ipinapanukala ng Kalihim na gawing Department of Health “and Wellness” ang ahensiya niya. Bakit, magkaiba ba ang dalawang salita? Sa Tagalog at ibang wikang Pilipino, iisa lang ‘yon—Kalusugan.
English ang salita sa apat na malalaking bansa. Sa America 1776 pa ay Department of Health na ang tawag nila. Sa Canada 1867 pa ang DOH. Ginawang Department of Health and Social Care sa Britain dahil wala itong Department of Social Welfare and Development. At ginawang Department of Health and Aged Care sa Australia kamakailan kasi wala itong katumbas na National Commission of Senior Citizens sa Pilipinas.
Sana asikasuhin na lang ng Kalihim ang wellness o kalusugan ng mga sangay sa ilalim ng DOH niya. Una riyan ang PhilHealth, na pinagnakawan ng bilyun-bilyong piso ng mga kawatang opisyal. Kinawawa ang mga miyembro na nag-ambag ng pera.
Ikalawa ang Purchasing Division. Taun-taon ito bumibili ng bilyun-bilyong pisong gamot maski marami pang nasa bodega. Taun-taon sinisita ito ng Commission on Audit, pero walang ginagawa ang nasa itaas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).