KADALASANG dahilan ng pagsakit sa likod ay muscle sprain o sakit ng kalamnan. Ang sanhi nito ay ang pagkapuwersa sa masel sa likod dahil sa (1) maling posisyon sa pagtulog; (2) maling pag-upo o nakakuba; (3) maling pagbubuhat; (4) sobra sa timbang, at (5) arthritis.
Mga dapat gawin:
1. Kung sobra sa timbang, kailangang magpapayat. Hindi kasi kaya ng likod ang bigat ng tiyan.
2. Mag-ehersisyo kapag pawala na ang sakit sa likod.
3. Palakasin ang masel sa likod. Mag-ehersisyo ng katamtaman lang. Kapag lumakas ang masel, hindi na sasakit ang ating likod.
4. Huwag magbuhat nang mabibigat. Kung mayroong bubuhatin, magpatulong sa isang kasama para kalahati lang ang bigat. Mag-squat at gamitin ang lakas ng hita para maiangat ang dinadala. Panatilihing deretso ang likod.
5. Umupo nang deretso ang likod. Maglagay ng maliit na unan sa upuan para laging naka-straight ang likod.
6. Huwag umupo nang matagal. Mapapagod ang likod kapag nakapirmi sa isang puwesto. Ang pinakamaganda sa likod ay paghiga sa kama.
7. Pumili ng katamtamang kutson na tulugan. Huwag sobrang lambot na lumulundo ang likod. At huwag ding matulog sa papag dahil sobrang tigas ito.
8. Matulog ng naka-“s” ang katawan. Humiga ng patihaya. Mag-unan para may suporta sa ulo at leeg. Maglagay pa ng isang unan sa ilalim ng tuhod para nakataas ito. Mas komportable sa likod ang nakabaluktot ang tuhod.
9. Kung nakatagilid matulog, maglagay ng unan sa pagitan ng hita. Ito ay para huwag bumaluktot masyado ang hita at mapuwersa ang likod.
10. Lagyan ng medyo mainit na bagay ang likod o hot bag na binalot sa tuwalya. Gawin ito ng 15 minutes lamang at huwag sobrahan.
11. Puwedeng kumunsulta sa physical therapist. Sila ay nagtuturo ng stretching exercises at iba pang exercise para sa back pain.
12. Makatutulong din ang masahe ng myotherapist or massage therapist. Pero soft massage lang o dahan-dahan lang para lumuwag ang masel.