May second chance pa ang puso mo!
Isa sa mga naging epekto ng pandemya ay ang pagiging maingat natin pagdating sa ating kalusugan. Marami akong kaibigang sineryoso ang kanilang pagdi-diyeta at ehersisyo, at binawasan na rin ang bisyo.
Habang tumatanda tayo, nagiging mas mahalaga ang ganitong pagtutok sa ating kalusugan. Tulad ng alam natin, kapag tumatanda, tumataas din ang tsansa na magkasakit, lalo na pagdating sa cardiovascular diseases (CVD) o sakit sa puso. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), nangunguna ang sakit na ito sa mga sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.
Ito ang naging paksa sa roundtable series na pinamagatang, Unblocked Movement – Inspiring Conversations on Heart Health: Turning Second Chances to Lifelong Victories. Proyekto ito ng Novartis Healthcare Philippines, katuwang ang Swiss Chamber of Commerce (SwissCham) at ang Cardinal Santos Medical Center (CSMC).
Ang 'Unblocked Movement' at ang 'second chance' sa buhay
Nagkaroon tayo muli ng pagkakataong makasama ang mga natatanging lider at stakeholder pagdating sa sektor ng kalusugan sa Pilipinas nang maimimbitahan tayo bilang moderator ng Unblocked Movement.
Ang layunin ng forum na ito, ayon sa Novartis, ay ang mas mabilis na pagsulong ng mahahalagang impormasyon ukol sa sakit sa puso. Ito ay upang ang bawat pasyente ay mabigyan ng “second chance” sa buhay.
Para kay Mr. Raul Pagdanganan, ang presidente at CEO ng CSMC, at isa sa mga pinakamalapit kong kaibigan, personal sa kanya ang isyung ito. Ikinuwento niya sa amin na ilang buwan na ang nakalilipas nang matuklasan ng kanyang doktor na may namumuong pagbara sa mga ugat ng kanyang puso.
Ngunit salamat sa mga makabagong teknolohiya sa medisina, kung ano ang dating mahirap at matagal na pagpapagaling “ay naging simpleng proseso na lamang,” Sabi ni Raul, “Sa mga pagbabago sa medical technology, ang mga sakit na halos imposible pagalingin ay manageable na, at naghahatid ng second chance sa ating lahat.”
Nakatutok ang Unblocked Movement sa information campaign tungkol sa LDL-c, o mas kilala bilang “bad cholesterol.” Hangad nito na palalimin pa ang kaalaman natin sa pagsugpo sa mga CVD, kung saan nangunguna ang atherosclerotic cardiovascular diseases (ASCVD) bilang sanhi.
“Kasabay ng ating Unblocked Movement, ikinalulugod ng Novartis na makatuwang ang Cardinal Santos Medical Center, ang isa sa mga nangungunang institusyon ng kalusugan sa bansa, sa pagpapalawig ng ating kaalaman,” sabi ni Mr. Joel Chong, Novartis Healthcare Philippines Country President.
Maging sa Switzerland pala ay malaking hamon pa rin sa kalusugan ang CVDs, dulot ng kanilang “tumatandang populasyon, lifestyle, gastos sa pagpapagamot, at ang kakulangan ng kamalayan ng publiko tungkol sa sakit sa puso,” ayon kay Swiss Ambassador to the Philippines, Dr. Nicholas Bruhl.
Sabi ni Dr. Lourdes Ella Santos, kung matutugunan lamang ang problema ng bad cholesterol, mapipigilan din ang halos 75% ng pagkamatay mula sa nasabing sakit, at milyun-milyong buhay ang kayang masagip sa buong mundo.
Mga KasamBuhay, kung nais niyong magkaroon ng ideya tungkol sa inyong bad cholesterol levels at ang posibilidad ng pagkakaroon ng sakit sa puso, magpunta lamang sa www.unblockedmovement.com o i-scan ang QR code sa kaliwa.
50 taon ng dekalidad na serbisyo ng Cardinal Santos Medical Center (CSMC)
Kasabay ng kolaborasyon ng CSMC sa Novartis at SwissCham ay ang pagdiriwang nito ng kanilang ika-50 taon bilang isa sa mga nangungunang healthcare institution sa bansa.
Para kay Dr. Antonio Say, ang Chief Medical Officer ng CSMC, ipinagpapatuloy lamang nila “ang matagal nang pakikipagtulungan sa iba’t ibang stakeholders sa kalusugan tulad ng Novartis.” Dagdag naman ni Dr. Ariel Miranda, Chairman ng Cardiovascular Institute ng CSMC, ang naganap na roundtable forum ay isa pang mahalagang hakbang sa “50 taon ng ospital sa pangangalaga sa cardiovascular health ng mga pasyente.”
Sa pamamagitan ng iba’t ibang Centers of Excellence ng CSMC sa Neurosurgery, Cardiology, at Oncology, nagagabayan nila ang pagpapagaling ng bawat pasyente. Dahil din sa iba’t ibang parangal na iginawad sa CSMC, panatag din ang loob ng kanilang mga pasyente na tunay na world-class ang ospital.
Sa pamumuno ni Raul, kumpyansa naman ako na magiging matagumpay rin ang mga susunod na taon ng CSMC. Tiwala ako sa kanyang galing at kakayahang isaalang-alang ang mga pasyente sa kanyang pagpapalakad.
“Ang pagpapatakbo ng ospital ay pagtataguyod ng isang lugar kung saan posible ang second chance, at kung saan matatanggap ng bawat pasyente ang kalingang kailangan nila para manalo sa bawat laban para sa kanilang kalusugan,” sabi ni Raul.
Maligayang bati kay Raul at sa CSMC sa pagdiriwang ng golden anniversary nito. Sana’y marami pang pasyente ang inyong mabigyan ng second chance!
------
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento at suhestiyon sa [email protected].
- Latest