EDITORYAL — Hazing sa PMA

LIMANG taon na naghintay ang mga kaanak ni Cadet­ Darwin Dormitorio para makamit ang hustisya sa pagkamatay nito. Noong Biyernes, lumabas na ang hatol sa mga killer ni Dormitorio. Habambuhay na pagkabilanggo ang ipinataw ni Judge Ligaya Itliong-Rivera ng Baguio City Regional Trial Court Branch 5 sa mga dating PMA cadets na sina Shalimar Imperial Jr., Felix Lumbag Jr., at Julius Carlo Tadena. Bukod sa reclusion perpetua, pinagbabayad din ng korte sina Imperial at Lumbag ng P185,000 bilang danyos habang P2-milyon naman kay Tadena. Napatunayang guilty ang tatlo sa pagkamatay ng kapwa kadete na si Darwin Dormitorio noong Setyembre 18, 2019.

Namatay si Dormitorio, 20, miyembro ng PMA Ma­da­sigon Class of 2023, dahil sa mga malubhang pinsala sa iba’ t ibang bahagi ng katawan na isinagawa nina Imperial, Lumbag at Tadena na mga upper classmen. Natagpuan siyang walang malay sa isang silid ng PMA’s Mayo Hall. Sa imbestigasyon, pinaggugulpi si Dormitorio matapos maiwala nito ang pares ng boots ng isang senior cadet. Namatay si Dormitorio dahil sa matinding palo at base sa mga imbestigasyon, bik­tima siya ng hazing at pagmamaltrato ng kapwa kadete sa PMA.

Naisilbi ang hustisya kay Dormitorio at magsilbi sana itong aral sa iba pang kadete na naging uhaw sa dugo ng kanilang kapwa kadete. Walang puwang ang kanilang masamang gawain lalo pa’t tinitingala ang PMA. Dinungisan nila ang akademya.

Sana rin makamit na ng iba pang biktima ng hazing ang hustisya at umusad ang batas.

Hustisya rin ang sigaw para kay John Matthew Salilig, estudyante ng Adamson University na pinatay noong Pebrero 18, 2023 ng mga miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity. Pinalo siya ng paddle ng 70 beses. Pagkatapos patayin, nilibing siya sa bakanteng lote sa Biñan, Laguna.

Noong Marso 2022 namatay din sa hazing ang 18-anyos na si Reymart Madraso, estudyante, taga-Kalayaan, Laguna.

Noong Pebrero 2021, namatay din ang 23-anyos na Criminology student na si Omer Despabiladera ng Solis Institue of Technology sa Bulan, Sorsogon. Namatay si Despabiladera dahil sa matinding pahirap ng mga miyembro ng Tau Gamma Fraternity.

Noong Setyembre 2017, namatay ang UST law student na si Horacio ‘‘Atio” Castillo sa kamay ng mga miyembro ng Aegis Juris fraternity na kanyang kinaaaniban.

Makamit na rin sana ng mga namatay na estud­yante ang hustisya gaya ni Dormitorio.

Show comments