Hindi natuloy kahapon ang pagsipsip sa langis na karga ng MT Terra Nova dahil sa masamang panahon sa Limay, Bataan kung saan lumubog ang tanker noong Huwebes ng madaling araw. Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), itutuloy ang pag-siphon kapag naging maayos na ang panahon. Ayon sa PCG, minimal leak at manageable pa ang nagaganap na pagtagas ng langis mula sa tanker. Maaagapan umano ito. Wala pa raw dapat ipag-alala sabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo. Wala rin daw katotohanan na nakarating na ang oil spill sa coastline ng Bulacan. Mino-monitor umano nila ang kalagayan ng tanker at naghahanda na ng mga gagamiting organic spill boom bilang pangharang sa matatapong langis.
Ang Terra Nova ay may kargang 1.4 milyong litro ng industrial fuel na dadalhin sana sa Iloilo nang tumaob sa layong 3.6 nautical miles sa silangan ng Limay. Mayroon itong 17 tripulante at isa ang naiulat na namatay.
Ayon sa report, kapag hindi naagapan at tumapon lahat ang langis mula sa tanker, ito ang pinakamalalang oil spill sa kasaysayan ng Pilipinas. Mapipinsala ang malawak na pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga mangingisda, mamamatay ang mga isda at iba pang lamandagat at masisira ang likas na yamang dagat at kapaligiran.
Isang malaking katanungan ngayon ay kung bakit hinayaan ng PCG na makapaglayag ang Terra Nova gayung masama ang panahon ng madaling araw ng Huwebes. Hindi pa nakakalabas ng bansa ang Bagyong Carina at katatapos lamang hagupitin ng habagat ang Metro Manila at Luzon na nagdulot ng pagbaha.
Nagkamali na naman ba ang PCG o talagang hinayaan nilang maglayag ang Terra Nova kahit masama pa ang panahon? Nararapat magpaliwanag ang PCG sa nangyari.
Noong Pebrero 28, 2023, lumubog din ang MT Princess Empress sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro at natapon ang 800,000 litro ng langis. Grabeng naapektuhan ng oil spill ang mga bayan ng Pola, Pinamalayan, Gloria at Roxas. Tinatayang P41 bilyon ang pinsala ng oil spill sa probinsiya. Hanggang ngayon may tumatagas pang langis sa tanker.
Malaki ang pananagutan ng may-ari ng Princess Empress sapagkat lumalabas sa imbestigasyon na hindi naman ito talaga kargahan ng langis at ni-repair lamang sa isang shipyard sa Navotas. Ang nakapagtataka, bakit binigyan ito ng permiso ng PCG na makapaglayag sa kabila na hindi kargahan ng langis.
Ganito rin kaya ang nangyari sa Terra Nova?