U.S. gov’t kasabwat sa Wuhan virus
Unti-unting lumalabas ang totoo. Sangkot ang isang kumpanyang Amerikano sa Wuhan Institute of Virology nu’ng 2019. At sa WIV, hindi sa palengke ng Wuhan, nagmula ang virus na nagpandemya sa mundo.
Pahayag ‘yan sa New York Post nu’ng May 16, 2024. Batay ‘yan sa saliksik ng diyaryo at ng imbestigasyon sa U.S. Congress. Parang binubunutan ng ngipin ang mga siyentipiko na ayaw magbigay ng impormasyon. Pero napapaamin sila kinalaunan, anang NYP:
– Nakawala ang virus sa WIV. Pero na-censor lahat ng nag-ulat niyan online nu’ng 2020. Minaliit ng 27 siyentipiko sa Lancet Medical Review bilang “conspiracy theory” ang hinalang ‘yan. Inakda ni Dr. Peter Daszak ang pahayag. Presidente siya ng EcoHealth Alliance, kumpanya na nakiki-saliksik sa WIV. Mula nu’n sinira ng China lahat ng ebidensya.
– Nagbulaan si US National Institutes of Health chief Dr. Anthony Fauci nu’ng May 2021. Kesyo raw hindi nagpopondo ang U.S. government sa saliksik sa virus sa China. Sa totoo, pinondohan pala ng U.S. government ang EcoHealth. Inamin ‘yan ni NIH deputy Dr. Lawrence Tabak. Kaya napatango si Fauci at nagsabing, “Posible.”
– Kasabwat ang China sa pagbubulaan. Kesyo raw sa Wuhan wet market ng karne ng wild animals nanggaling ang coronavirus. At sumang-ayon agad dito noon si Fauci.
Maaalalang pinatahimik ng China si Wuhan opthalmologist Dr. Li Wenliang na unang nakapansin sa nakamamatay na virus; inaresto siya ng pulis. Binusalan din si virologist Dr. Zhang Yongzhen na nagpaskel online ng genome sequence ng virus; pinalayas siya sa sariling lab sa Shanghai nitong May 2.
Pitong milyon katao sa mundo ang pinatay ng COVID-19.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest