Kasabay ng pagsalubong natin sa balik-eskwela ng school year 2024-2025, matutunghayan din natin ang simula ng bagong yugto sa serbisyo-publiko ni Secretary Sonny Angara sa kanyang panibagong posisyon bilang kalihim ng Department of Education ngayong Hulyo.
Bilang kaibigan ni Secretary Sonny at kanyang maybahay na si Tootsy, isang mainit na pagbati ng congratulations! Bilang isang advocate para sa kabataan at sa edukasyon, wala tayong ibang hangarin kundi makita siyang magtagumpay sa kanyang layunin para sa sektor na ito.
'Di maikakailang maraming kinahaharap na problema ang edukasyon sa Pilipinas. Sa totoo lang, malaki-laking hamon ang sasalubong kay Secretary Sonny.
Nangunguna riyan ang isyu ng shortage o kakulangan: kulang tayo sa mga classroom, at hindi sapat ang bilang ng ating mga guro para mabigyan ng angkop na atensyon ang bawat mag-aaral. Nagiging karaniwan na sa iba't-ibang paaralan ang pagkakaroon ng "shifting" o paghahati ng isang klase sa dalawa o higit pang grupo para maiwasan ang siksikan sa mga classroom at para sila’y matutukan ng mga guro.
Ilan lamang ito sa mga dahilan kaya tayo hindi nakasasabay sa global standards na sumusukat sa galing ng mga mag-aaral na Pilipino, tulad ng napabalitang resulta mula sa Programme for International Student Assessment (PISA).
Ngunit sa tagal ko nang pagkakakilala kay Secretary Sonny, alam kong kaya niyang mapagtagumpayan ang mga hamong ito.
Paglilingkod bilang pamana
Naalala ko pa noong 2007, isang bomba ang sumabog sa Batasang Pambansa bilang pagtatangka sa buhay ng isang kongresista, na siya ring kumitil sa anim pang iba at nag-iwan ng 12 sugatan. Sa aking news coverage bilang reporter ng ABS-CBN, naalala ko ang noon ay congressman pa lang na si Sonny Angara na abalang tumutulong sa mga sugatan at iba pa niyang mga kasamahan sa kongreso. Kahit walang camera o nanonood, tahimik siyang nag-alok ng tulong sa mga nangangailangan.
2007 din nang ako’y maging bahagi ng embedded media noong eleksyon at aking kinover ang Team Unity senatorial slate ng dating administrasyong Arroyo. Dito ko nakasama at lubos na nakilala ang ama ni Secretary Sonny, ang namayapang si Senator Ed Angara -- o SEJA sa mga mas nakakakilala at nakatrabaho niya. Mataas ang respeto kay SEJA ng maraming mga pulitiko na lumalapit para matuto at magabayan niya. Kabilang na rito ang ilan sa mga katrabaho ni Secretary Sonny sa senado ngayon, tulad ni dating Senate President Migz Zubiri.
Bukod sa pagiging mapagkumbaba, minana rin ni Secretary Sonny sa kanyang ama ang pagmamahal sa edukasyon at ang pagnanais na mai-angat ang antas nito. Sa totoo lang, nagkaroon pa nga sila ng pagkakataon na maging magkatrabaho sa isang batas na hanggang ngayon ay nakatutulong sa milyun-milyong kabataang Pilipino. Ito ang free kindergarten law, o ang Universal Kindergarten Education Act na isinulong ni Secretary Sonny sa kongreso, at ni SEJA sa senado.
Nang si Secretary Sonny na ang pumalit sa kanyang ama sa senado, nanatiling buhay ang adbokasiya ng mga Angara para sa edukasyon, dahil sa kanyang pagsulong ng mga batas kaugnay nito tulad ng Free College Law, ang Unified Student Financial Assistance System Act (UNIFAST), ang Ladderized Education Act, Open Learning and Distance Education Act, Youth Entrepreneurship Act.
Pamilya bilang gabay at inspirasyon
Sa State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi niyang malaking hamon ang kahaharapin ng bagong hepe ng edukasyon. Katunayan, may direktiba na siya agad kay Secretary Sonny: alagaan ang ating mga guro. Para mai-angat ang kalidad ng edukasyon, kailangang mai-angat din ang lebel at kakayahan ng ating mga guro dahil susunod naman dito ang pag-angat ng performance ng ating mga mag-aaral.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, ang ating mga guro ay "hindi makapagtuturo nang maayos kung inaalala nila ang lagay ng pamilya nila. Kaya naman, dapat siguruhin nating maayos ang sitwasyon nila nang mas matutukan nila ang kanilang mga tungkulin."
Bilang bagong Kalihim ng DepEd, at mula sa naging makulay na karera ng kanyang ama, mataas ang expectations o inaasahan mula kay Secretary Sonny.
"Panghabambuhay na hamon" ang tawag niya sa bagong tungkulin. Gayunpaman, tiwala akong haharapin niya ito nang buong-puso, tulad ng amang si SEJA, na hindi pinalagpas ang "natatanging oportunidad para paglingkuran ang masang Pilipino.”
------
Sundan ang aking social media accounts JingCastaneda Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento at suhestiyon sa editorial@jingcastaneda.ph.