Bumaha sa Metro Manila at maraming lugar sa bansa noong Miyerkules dahil sa Bagyong Carina at habagat. Magdamag na umulan at mistulang naulit ang “Ondoy”. Naging dagat na naman ang MM at maraming tao pati na rin hayop ang nag akyatan sa bubong ng kanilang bahay para makaiwas sa nag-aalimpuyong baha. Maraming na-stranded. Ang iba, sinuong ang hanggang dibdib na baha para makauwi.
Ang isang kinatatakutan ngayon ay ang pagdami ng kaso ng leptospirosis kasunod nang malawakang baha. Kontaminado ng ihi ng daga at iba pang hayop ang tubig baha. Kapag ang isang tao na lumusong sa baha ay may sugat sa binti at hita, dito magdaraan ang virus na tinatawag na leptospira. Kadalasang lima hanggang 14 na araw bago lumabas ang mga sintomas ng leptospirosis na kinabibilangan ng Makararanas ng lagnat, panginginig ng katawan, pananakit ng binti, kalamnan, at kasu-kasuan, pamumula ng mga mata, paninilaw ng balat, pananakit ng ulo at kulay tsa ang ihi. Kapag lumabas ang mga sintomas na nabanggit, agarang magtungo sa doktor.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa noong Huwebes sa isang press conference na posibleng magsulputan ang kaso ng leptospirosis sa susunod na linggo. Kapag dumami ang kaso, saka raw nila isi-set up ang leptospirosis lane.
Ayon sa DOH, mula Enero 1 hanggang Hulyo 13, may kabuuang 1,258 kaso ng leptospirosis ang naitala sa buong bansa at 133 ang namatay. Naitala ang pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis sa Mimaropa, Eastern at Western Visayas, Caraga, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen at Northern Mindanao. Sinabi pa ng DOH na nagdeklara na sila ng Code White Alert sa leptospirosis. Kabilang sa mga isinailalim nila sa Code White Alert ang lahat ng Regional Offices Centers for Health Development sa buong bansa at ang Ministry of Health sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Karaniwang tinatamaan ng leptospirosis ay mga bata. Maraming bata ang nagtatampisaw sa baha. Noong Huwebes, maraming bata ang ginawang swimming pool ang underpass sa Quezon Blvd. Dumadayb at sumisisid sila. Ganundin sa España Blvd. Wala silang takot sa nakaambang panganib ng nakamamatay na leptospirosis. Paalala sa mga magulang na bantayan ang mga anak na huwag maglunoy sa baha na kontaminado ng ihi ng daga.
Palawakin pa ng DOH ang kampanya sa leptospirosis upang maipaalam ito sa mamamayan. Marami pang salat ang kaalaman ukol sa nakamamatay na leptospirosis.