UMUULAN nu’ng Graduation Day 2024 sa University of Massachusetts-Darmouth. Kaya akala ng mga estudyante na ang maaalala nila habang buhay tungkol sa araw na ‘yon ay ang panginginig sa lamig at pagkabasa ng damit.
Pero may kakaibang naganap. Binigyan sila ng commencement speaker ng tig-$1,000.
Si pilantropong bilyonaryong Rob Hale ang imbitadong magsalita. Bitbit nito sa entablado ang dalawang duffel bags na puno ng cash. Inanunsiyo niya sa graduates na bibigyan niya sila ng tig-isang sobre ng $1,000 cash. Aniya, gastusin nila para sa sarili ang tig-$500, at ibigay sa anumang kawang-gawa ang $500 pa.
Nauna ru’n, sa kanyang talumpati, tinanong ni Hale ang graduates: “May nakilala na ba kayong nalugi nang isang bilyong dolyar?” Aniya, hindi niya malilimutan kailan man na nawala ang lahat ng pera niya nu’ng lumagapak ang unang kumpanya sa dot-com crash nang Marso 2000.
Nakabangon sila muli ng asawang si Karen. Lumago ang yaman. Kada linggo nu’ng 2022, namigay sila ng $1 milyon sa mga sikat at hindi kilalang kawanggawa.
Nu’ng Pebrero nag-donate si billionaires Ruth Gottesman ng $1 bilyon sa Albert Einstein College of Medicine, New York City. Ang eskuwelahan ay nasa Bronx, pobresitong distrito ng African Americans.
Ang donasyon ay pangtustos sa tuition ng mga maralitang mag-aaral ng medisina, ani Gottesman, edad 93. Dati siyang propesora sa Einstein College. Biyuda siya ni David Gottesman, orihinal na partner ni bilyonaryo Warren Buffet sa Berkshire Hathaway.
Sa Pilipinas, karaniwang commencement speakers ay mga kawatang pulitiko. Hindi sila nagdo-donate ng bilyong piso. Sa halip, nandarambong sila ng ganung halaga mula sa kaban ng bayan.