INAMIN ni PAGCOR chairman Alejandro Tengco na namamayagpag pa rin ang e-sabong sa bansa sa kabila na ipinagbawal na ito noong 2022. Kaya pinag-iisipan na i-regulate na lamang ito upang kumita ang gobyerno sa buwis. Ayon sa PAGCOR, noong nire-regulate pa ito, kumikita ang gobyerno ng P65 bilyon.
Ngayon, ni singkong-duling, walang pumapasok sa kaban ng bayan. Walang kinikita na pantustos man lang sana sa mga proyekto sa mahihirap.
Palagay ko, hindi ganyan kasimple ang suliranin sa e-sabong. Ang mga taong sangkot sa e-sabong kasi ay malawak at malalim ang impluwensiya sa pamahalaan.
Matatalo si Tengco sa argumento kapag bumulong kay PBBM ang lider pulitiko na lider ng e-sabong sa bansa.
Mas pabor sa pulitikong-lider ang “cat-and-mouse” na operation nila dahil hindi na kailangang magpalisensya sa PAGCOR at hindi na magbayad ng buwis. Malaking menos sa gastos!
Magagaya sa Small Town Lottery ang kahinatnan ng e-sabong kapag ito’y ini-regulate ng PAGCOR. Noong na-legalize ang jueteng at naging STL, nanatili ang bookies operations kung saan hindi nagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Ang masaklap, ang nagpapa-STL ang may operasyon ng “bookies” upang makaiwas sa buwis at buwanang obligasyon sa PCSO.
Kapag natalo ni Tengco sa argumento ang lider pulitiko at desisyunan ng pamahalaan na iregulate ang e-sabong, hindi kaya i-bookies din ito ng mga tusong operator para makaiwas sa buwis?
* * *
Para sa comment, i-send sa: art.dumlao@gmail.com