OFW Bahrain hinahasa sa financial literacy

Nagkaroon ka-makailan ng dalawang aktibidad sa Bahrain na kapwa nagbibigay ng mga kaukulang gabay at dagdag na karunungan sa mga overseas Filipino worker doon habang nagtatrabaho sila sa naturang bansa. Ang una ay nagmumulat sa mga OFW sa mga mas mainam na paraan sa paghawak ng pera at hinggil sa pamumuhunan at pagnenegosyo habang ang pangalawa ay nagbibigay sa kanila ng mga kasanayan sa ilang larangan na magbibigay sa kanila ng oportunidad na magkaroon ng dagdag na kabuhayan o pagkakakitaan habang nasa ibang bansa.

Napaulat sa Filipino Times na noong Hunyo 28, 2024, isinagawa ng Ateneo Leadership and Social Entrepreneurship Overseas Filipinos – Leadership, Innovation, Financial Literacy and Social Entrepreneurship (ALSE OF-LIFE) ang unang sesyon ng financial literacy and entrepreneurship programs nito  para sa mga OFW sa Bahrain. Umabot sa 36 na estudyante ang unang grupo na nagpalista sa programa. Ang unang sesyon nito ay isinagawa sa Sentro Rizal ng Philippine Embassy sa Manama, Bahrain.

Ipinahiwatig ni Philippine Ambassador to Bahrain Anne Jalando-on Louis na ang pagkakaroon ng entrepreneurial skills ay isang hakbang para matamo ng mga OFW ang financial security para sa kanilang sarili at sa kanilang mga pamilya.

Noon namang Hunyo 21, 2024, mu-ling nagsagawa ng meat processing skills training ang Overseas Workers Welfare Administration sa pakikipagtulungan ng grupong Pinay Ikaw. Isinagawa ang pagsasanay sa naturang embahada na dinaluhan ng mahigit 30 OFW. Kabilang sa itinuro rito ang paggawa ng nuggets, siomai, tocino at longganisa.

Nabatid kay Cecil Ancheta, isang manunulat na OFW na aktibo sa pamayanang Pinoy sa Bahrain, na ang naturang programa ay isinasagawa ng OWWA para bigyan ang mga OFW ng mga praktikal na kaalaman at kasanayan na makakatulong sa kanila na makapagnegosyo at matiyak ang dagdag na oportunidad na patuloy na makapagtrabaho. Sinisikap din tugunan dito ang mga problema o hamon sa pagtamo ng katatagang pinansiyal at dagdag na pangkabuhayan sa mga OFW na uuwi sa Pilipinas.

Sinabi ni PIN President Dinah Sta. Ana na ang pangatlong batch ng training na ito sa meat processing ay hindi lang para sa iba-yong technical skills, kundi para mapabuti pa ang kakayahang pangkabuhayan ng mga OFW na lumalahok sa pagsasanay at magkaroon ng mas malaking ambag sa kanilang pamilya at komunidad. Nagkaroon pa ito ng kasunod na pagsasanay noon namang Hunyo 28 ng taon ding ito.

Lumabas sa isang pag-aaral na “Savings and Spending Habits of Overseas Filipino Workers and their Families in Region XI Philippines” na isinagawa noong 2019 nina Melba Manapol, Sheryl Lopez at Vanessa Sobrejuanite ng Ateneo de Davao University, na tampok sa ASEAN Social Work Journal at Research Gate noong 2022 na merong problema sa mga OFW na mababa ang pinag-aralan kung financial literacy ang pag-uusapan. Sinabi ng mga researcher na dapat maipagdiinan ng pamahalaan ang mga financial literacy training sa mga blue-collar workers, domestic workers, drivers at iba pang katulad nito dahil ang mga sektor na ito ang nagpapalakas sa paggasta ng pera.  Bukod sa mga OFW, dapat ding maging agresibo sa information campaign sa mga Pilipinong nagbabalak pa lang ma-ngibang-bansa.

Pinuna ng pag-aaral na maraming OFW ang hindi napapag-isipan ang kanilang layunin bago pa lumuwas sa ibayong-dagat, bukod sa kumita at buhayin ang kanilang pamilya.  Dapat merong planong pinansiyal ang mga OFW at kanilang pamilya. Dapat isagawa at linawin ang planong ito sa lahat ng miyembro ng pamilya para matiyak ang pagtutulungan nila sa pangangasiwa sa perang ipinapadala ng isang OFW. At kabilang sa planong ito ang para sa pagreretiro.

Ilan din sa mga problemang kinakaharap ng maraming OFW sa unang pagdating nila sa ibang bansa ang kaliitan ng sahod na hindi sapat para mabayaran ang kanilang mga utang sa Pilipinas, ang mga inaasahan sa kanila ng mahihirap nilang kamag-anak sa Pilipinas, at naaantala o hindi nababayarang sahod.

Lumabas din sa pag-aaral na hindi malinaw sa mga OFW at kanilang pamilya ang pag-iipon at puhunan dahil sa tingin nila, puhunan na rin ang mga impok at ang perang nakalagak sa bangko. Dahil dito, inirerekomenda ang financial literacy at investment training sa mga OFW bago pa man sila umalis sa Pilipinas at sa maiiwan nilang pamilya.

* * * * * * * * * * *

Email- rmb2012x@gmail.com

Show comments