MARAMING nangyayaring krimen ngayon at maski ang mga estudyante ay nanganganib sa mga kriminal. Pati sa loob ng campus, nakakapasok ang mga kriminal at malayang nakagagawa ng krimen. Walang magawa ang mga kawawang estudyante sa pagsalakay ng mga masasamang loob. Nagiging inutil naman ang pamunuan ng eskuwelahan sapagkat hindi maprotektahan ang mga mag-aaral. Nagmimistulang sisiw ang mga estudyante sa pagdagit ng hayok na lawin.
Noong Lunes ng gabi, dakong 8:00 ng gabi, isang 18-anyos na babaing estudyante sa University of the Philippines-Diliman ang hinoldap at pinagsasaksak ng tatlong lalaking holdaper. Naganap mismo ang krimen sa loob ng UP campus, sa tapat ng College of Engineering.
Ayon sa pulisya, naglalakad ang estudyante nang sundan ng mga holdaper at tinutukan ng patalim at kinuha ang bag. Nagsisigaw ang estudyante. Inundayan siya ng saksak ng isa sa mga holdaper. Tumakas ang mga ito tangay ang bag ng estudyante na naglalaman ng cell phone, pera, IDs at iba pang gamit.
Dinala sa ospital ang estudyante at ginamot sa mga natamong saksak. Nagsagawa ng manhunt ang Quezon City Police District sa mga suspect. Ang UP ay may sariling police force at nangakong magpapakalat ng mga security personnel sa bawat sulok ng UP campus.
Noong Hulyo 1, 2023, isang babaing estudyante ang tinangkang gahasain sa loob ng UP-Diliman campus. Pauwi na ang estudyante dakong 10:00 ng gabi nang harangin ng isang lalaki at tutukan ng patalim. Dinala ang estudyante sa madamong bahagi. Nanlaban ang estudyante hanggang sa makatakas sa rapist. Nakatakas ang rapist. Hindi na nalaman kung nahuli ito ng UP police.
Ang madalas na pagsalakay ng mga masasamang loob sa UP campus ay nagpapakita lamang na hindi nagagampanan ng mga awtoridad ang regular na pagpapatrulya. Nagkaroon ng lakas ng loob ang mga kriminal na sumalakay sa mga kawawang estudyante sapagkat alam nilang walang nagroronda lalo na sa gabi.
Sa Hulyo 29 ay mag-uumpisa na ang school year 2024-2025. Tiyak na nakaabang na ang mga masasamang loob sa pagpasok ng mga estudyante. Kung sa UP ay nagaganap ang mga pagsalakay ng mga magnanakaw, magaganap din ito sa iba pang schools hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Magsagawa ang Philippine National Police (PNP) ng mga paghahanda para maprotektahan ang mga estudyante. Huwag hayaang mabiktima ng mga kriminal ang mga mag-aaral.