^

PSN Opinyon

EDITORYAL — ‘Utak kriminal’

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL � �Utak kriminal�

MGA dating pulis ang itinuturong nasa likod ng pagpatay sa Pampanga beauty queen Geneva Lopez at boyfriend nitong Israeli na si Yitshak Cohen noong Hunyo 21, 2024 sa Capas, Tarlac. Usapin sa isinanglang lupa ang ugat ng karumal-dumal na krimen. Nahukay ang mga bangkay nina Lopez at Cohen sa isang bakanteng lote sa Capas. Ayon sa National Bureau of Investigation, nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang dalawang biktima. Natukoy ang pinaglibingan makaraang ituro ng isang mekaniko na inupahan umano ng dalawang dating pulis para i-drive ang SUV ng mga biktima. Ayon sa mekaniko, nakita niya sa backseat ang dalawang bangkay. Siya rin umano ang inutusan ng mga suspect na sunugin ang SUV ng mga biktima.

Sabi ni DILG Sec. Benhur Abalos sa press briefing sa Camp Crame, nakalulungkot na ang mga taong pinasusuweldo ng taumbayan ang sangkot sa mala­gim na krimen. Nakadidismaya na ang mga taong su­­mumpa na magpuprotekta at magsisilbi sa mamamayan ang inaakusahang pumatay. Nangako si Abalos na mananagot ang mga dating pulis na nakilalang sina Michael Guiang at Rommel Abuso na umano’y mga ranggong patrolman. Natanggal ang dalawa sa ser­bisyo noong 2021 dahil sa pag-AWOL. Pag-aari umano ni Guiang ang lupa na isinangla kay Lopez.

Bakas naman sa mukha ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ang pagkabigo sapagkat mga pulis na naman ang sangkot sa krimen. Sinabi niya na magpapatuloy ang paglilinis sa hanay ng PNP. Mula nang maupo si Marbil noong Abril 1, 2024, nagkasunud-sunod na ang mga problemang hatid ng mga police scalawags. Kamakailan lang, nahatulan na ang mga pulis na pumatay sa mag-ama dahil sa madugong operasyon sa droga. May mga pulis na inakusahang nagnakaw sa sinalakay nilang bahay sa Cavite. May mga pulis na sangkot sa recycling ng droga.

Utak kriminal ang mga pulis? Kung pagbabasehan ang mga karumal-dumal na krimen na ginawa ng mga pulis, masasabi ngang ang utak nila ay nakatuon sa pagpatay. Ilang taon na ang nakararaan isang pulis sa Pampanga ang walang awang binaril ang mag-ina na ang ugat lamang ay ang pagpapaputok ng boga. Isang pulis din sa Quezon City ang walang awang binaril ang babaing kapitbahay dahil lamang sa maliit na alitan. Isang tinedyer na lalaki sa Caloocan ang binaril ng mga pulis makaraang akusahan na nagtutulak ng shabu.

Maghigpit ang PNP sa pagtanggap ng mga apli­kante na nais magpulis. Idaan sa neuro-psychological exam. Iwasan nang tumanggap ng mga aplikante na may padrinong pulitiko. Huwag hayaang malusutan ng mga may “utak kriminal”.

vuukle comment

CRIME

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with