Hustisya sa magkasintahang pinaslang sa Capas

Palagay ko malapit nang malutas ang pagpatay sa Pampanga beauty queen na si Geneva Sarita Lopez at Israeli boyfriend na si Yitzhak Cohen. Natagpuan ang bangkay ng dalawa na nakabaon sa isang quarry site sa Bgy. Santa Lucia, Capas, Tarlac noong Sabado ng umaga.

Natunton ang pinaglibingan sa dalawa matapos ituro ng lalaking inupahang mag-drive ng SUV ng mga biktima. Ayon sa lalaki, dalawang bangkay ang nasa SUV. Inutusan din daw siya na sunugin ang SUV.

Ayon kay Major Gen. Leo Francisco, hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), may apat nang persons of interest na silang hawak. Ayon naman sa National Bureau of Investigation (NBI) may tig-dalawang tama ng bala ang mga biktima.

Nagpasalamat ang mga kamag-anak ni Lopez at Israeli Embassy sa pagkakatagpo sa mga biktima at umaasang makakamit na nila ang agarang hustisya. Ayon sa mga kaanak ng biktima, nagtungo ang dalawa sa Capas noong Hunyo 21 para sa bibilhing lupa na ang middleman ay isang dating pulis na AWOL.

Tinututukan din naman ng CIDG ang mga krimen kaugnay­ sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Kama­kailan, sinalakay ng CIDG at PAOCC ang tagong target shooting camp sa Pampanga.

Ito ay follow-up operation sa mga tumakas sa POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga. Ayon sa CIDG at PAOCC patuloy pa ang kanilang operasyon sa mga illegal POGOs na bukod sa pugad ng sugalan at prostitusyon ay mayroon ding torture chamber. Dito pinahihirapan ang mga hindi nagre-remit ng kita. Marami nang patayan ang naga­nap dahil sa illegal POGOs. Abangan!

Show comments