Ipinagdiwang nu’ng July 4 ang Philippine-American Friendship Day. July 4, 1776 ang Araw ng Kalayaan ng Amerika. July 4, 1947 ginawa ng Amerika ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Pero ibinalik nu’ng 1964 ang ating araw ng Kalayaan sa June 12, nu’ng nagdeklara ng kasarinlan si President Aguinaldo, 1898.
Amerika ang pangunahing investor sa Pilipinas. Ito rin ang pangunahing nag-aayuda at nagpapa-utang.
Kaisa-isang mutual defense partner ng Pilipinas ang Amerika mula 1951. Saad sa treaty na magtutulungan tayo sakaling atakihin ang eroplano, barko o pasilidad ng gobyerno ng magkabilang bansa.
Pero sa napipintong giyera sa China, hindi dapat umasa ang Pilipinas sa Amerika. Tumindig tayo mag-isa. Kung tutulong ang Amerika o iba pang bansa, tanggapin natin. Kung hindi sila tumulong, manindigan pa rin tayo. ‘Yan ang kahulugan ng kasarinlan.
Walang bansang lalaban para sa iba. Nu’ng 1941 sumapi ang maraming Pilipino sa United States Armed Forces in the Far East para harapin ang manlulupig na Hapon.
Konting Amerikano lang ang kasapi ng USAFFE. Pero sila ang namuno sa Bataan at Corregidor. Nu’ng sumuko sila sa mga Hapon, naggerilya ang mga Pilipino at itinuloy ang labanan. Dahil du’n, nakabalik ang Amerikano nu’ng Jan. 1945.
Paano lalaban ang Pilipino kontra China? Pinakamahalaga ang tatag ng loob. Lalaki o babae, bata o matanda, mayaman o mahirap, mataas o mababa ang pinag-aralan, magkaisa.
Lakas ng katawan at talas ng utak ang gamitin. Lumikha ng mga sandata, tulad ng aerial at water drones na may bomba. Magdadalawang-isip ang China na lupigin ang kalupaan. Pipilitin lang agawin ang karagatan. Harangin at ubusin sila roon.