Sa mga kalalakihan na edad 40 pataas kailangan ang magpa-check-up lalo na ang mga may lahi ng sakit sa puso, diabetes at kanser. Ganito ang mga gagawin:
1. Magpa-blood test taun-taon. Complete blood count. Creatinine para sa kidneys, uric acid para sa arthritis, cholesterol para sa puso, fasting blood sugar para sa diabetes, at SGPT para sa atay.
2. Magpa-urinalysis para masuri ang kidneys at malaman kung may impeksyon sa ihi.
3. Magpa-chest X-ray para makita ang baga at puso. Kailangan ito lalo na kung naninigarilyo at laging may ubo.
4. Magpa-ECG para malaman kung may sakit sa puso.
5. Magpa-PSA test para mabantayan ang prostate. Kapag nagkakaeded ang lalaki, lumalaki ang prostate. Minsan ay nagiging kanser pa ito.
6. Magpa-colonoscopy para mabantayan ang colon cancer. Para makaiwas sa colon cancer, kumain nang maraming gulay at prutas. Ipa-check din ang dumi para makasiguro na walang dugo.
7. Itigil ang paninigarilyo. Ang sigarilyo ay nagdudulot ng kanser sa bibig, lalamunan, leeg at baga.
8. Gawing katamtaman ang pag-inom ng alak. Kapag nasobrahan sa alak, masisira ang atay, bituka at utak.
9. Mag-ehersisyo nang regular. Ang tamang pag-eehersisyo ay 30 minutos hanggang 1 oras. Gawin ito ng 3-5 beses sa isang linggo. Huwag magpataba.
10. Alamin ang blood pressure. Ang normal na blood pressure ay 120 over 80. Kapag lumampas sa 140 over 90, may altapresyon na. Magpa-check-up sa doktor.
11. Iwasang ma-stress. Masama ang stress sa katawan dahil naglalabas ito ng cortisol. Ang cortisol ay nakasisira sa organs ng katawan.
12. Magpabakuna. Para sa mga edad 50 pataas, kailangang magpabakuna laban sa pulmonya at trangkaso.