Winasak ng China ang 12,000 ektaryang bahura ng Pilipinas, ayon sa Climate Change Commission. Itlugan at tirahan ng isda ang mga bahura. Sanhi rin ito ng minerals para sa mga bagong gamot at makina.
Kada ektaryang bahura ay nagluluwal ng yamang $353,429 o P18 milyon kada taon, ayon sa Dutch Researcher Elsevier. ‘Yan din ang nawawalang yaman ng Pilipinas kada ektarya kada taon dahil sa paggigiba ng Panatag, Panganiban, Zamora, at Kagitingan Reefs.
Kabuuang P216 bilyon kada taon ang halaga ng 12,000 ektaryang winasak (Sapol, 21 May 2024). Ihabla dapat ang China sa permanent court of arbitration, ani dating Supreme Court Justice Antonio Carpio.
Malaki ang tsansang manalo ang Pilipinas, dagdag ni Carpio. Kasi nagpasya na ang PCA nu’ng 2016 na nasa exclusive economic zone ng Pilipinas ang apat na bahura. Samakatuwid, Pilipinas lang ang dapat gumamit at makinabang doon.
Maliit ang tsansa na magbayad ang China. Hindi ito tumatalima sa batas ng mundo at desisyon ng international courts.
Pero may paraan para makasingil, ani Carpio. Awasin ng Pilipinas ang halagang P216 bilyon kada taon mula sa ibinabayad sa pautang ng China. Kumpiskahin din ang mga ari-arian ng estado ng China.
Ang natitirang utang ng Pilipinas sa China nitong 2024 ay $248 milyon o P13.89 bilyon ($1:P56). Humingi ang Pilipinas ng pahintulot sa PCA na huwag nang bayaran ‘yan.
Pero kulang pa rin ‘yan para sa isang taon na daños perwisyo. Kung ganon, kunin ang 40% na pag-aari ng State Grid Corp. of China sa National Grid Corp. of the Philippines. Kunin din ang 40% na pag-aari ng China Telecoms sa DITO Telecommunity Corp.
Ginagawa ‘yan ng mga ibang bansa kontra sa isang maysala. Kinumpiska ng European Union ang $300-bilyong pag-aari ng Russia. Ibibigay daw ito sa nilupig na Ukraine.
Philippine Coast Guard Video ng Rozul Reef at Escoda Shoal
Related video: