Si JDC at ang diesel smuggling sa Pangasinan

Apat na beses sa loob ng isang linggo kung mag-smuggle ng diesel si JDC mula sa malalaking barko na nasa Lingayen Gulf malapit sa baybayin ng Labrador at Sual, Pangasinan.

Sabi ni JDC, galing daw ang milyun-milyong litro ng diesel sa mga malaking barko at P20 kada litro ang angkat niya. Ipinapasa raw niya ito sa kanyang mga parukyano ng P28 hanggang P40 kada litro. Tubong lugaw si JDC!

Tuwing madaling araw ang operasyon ni JDC. Ikinakarga ng mga tauhan niya ang mga smuggled diesel sa isang closed van na nasa compound niya malapit sa dalampasigan sa isang barangay sa Labrador.

Tiba-tiba si JDC sapagkat wala siyang binabayarang buwis at tiyak din na hindi niya pinasasahod nang maayos ang kanyang mga kargador. Kung ano lang ang gusto niyang ibigay sa mga ito ay okey na.

Pero may amo pala itong si JDC. “Malaking isda” umano ito na nakatalaga sa isang ahensiya ng pamahalaan sa Region 1. Kaya naman pala malakas ang loob ni JDC ay dahil malakas ang amo. Hindi talaga siya bubulabugin ng law enforcers.

Tiyak na kinatatakutan din si JDC ng mga opisyal ng barangay. Makapal kasi ang bulsa nito mula sa smuggling at kayang-kayang magtapal o magsuhol sa sinumang ga­gambala sa kanyang negosyo.

Ano ang ginagawa ng Department of Trade and Industry, Bureau of Customs, Coast Guard at PNP Maritime Group sa talamak na diesel smuggling ni JDC sa Pangasinan?

Kumilos naman kayo dahil bukod kay JDC, marami pang naiulat na smuggling ng diesel sa Pangasinan.

Noong Mayo 2023, 1,350 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P54 milyon ang na-smuggle umano mula sa MV Veronica-1 habang nakadaong sa port ng Sual, Pangasinan.

Ang nakapangangamba sa illegal na ginagawa ni JDC, baka hindi lang diesel ang kanyang ini-smuggle—baka merong iba pang mahahalagang bagay.

* * *

Para sa reaksiyon o komento, i-send sa: art.dumlao@gmail.com

Show comments