Video karera at droga

Sinalakay ng mga tauhan ni Las Piñas Police chief Col. Sandro Tafalla ang illegal na operasyon ng video karera at fruit machine at nahuli sina Roger Calixto, Andrea Dimayuga, Edilberto Mendoza at Vivencio Sursuna sa Basa Village, Bgy. Zapote.

Nakumpiska sa mga ito ang dalawang fruit games at video karera machine na may sticker na “Tiger”. Sa sticker na ‘yan makikilala kung saang himpilan ng pulisya nakatimbre.

Halos lahat naman ng salot na makina ay palihim na nagtitimbre sa mga tiwaling pulis kaya nahihirapan ang NCRPO na mawasak ang mga ito. Kapag may operasyon sa mga illegal machine nauuna pang magkulumpon ang gambling lords para maitago ang mga makina.

Maraming kabataan ngayon ang nagugumon sa VK at  natututo na rin silang mag-shabu.

Panahon pa ni dating Pres. Joseph Estrada ay laganap na ang VK at walang patid ang pananalakay ng mga pulis subalit mapahanggang ngayon ay patuloy pa ring namamayagpag. Patuloy ang pagkalat ng VK machines kaya maraming kabataan ang lulong na rito.

Pahiwatig ba ito na walang kakayahan ang PNP na lipulin ang mga salot na VKI machines? Kailan ikukumpas ng hepe ng PNP ang kamay na bakal para  malipol ang pamamayagpag ng VK machines?

Show comments