Digmaang nuclear?

“MAD”. Sa Tagalog, “kahibangan”. Acronym ang MAD ng “mutual assured destruction”. Sa Tagalog, “katiyakan ng kapwa pagkawasak”.

MAD umano ang prinsipyo sa pag-iwas sa nuclear war. Nag-aatubili raw giyerahin ng bansang may nuclear arms ang kaparehong bansa dahil pareho silang madudurog.

Siyam na bansa ang may nuclear arms: America, Britain, France, China, Russia, Israel, North Korea, India, Pakistan.

Milyun-milyong mamamayan nila ang masasawi sa nuclear war. Buo-buong lunsod ang magigiba. Masisira ang mga likas na yaman. Hihinto ang kalakalan. Gutom, kara­litaan at sigalot at kauuwian.

Pero walang kasiguruhan na pipigilan sila ng prinsipyong MAD.

Depende ‘yan sa pinuno, ang presidente o prime mi­nister. Maari itong baliw o walang puso.

Pinapatay ni North Korean President Kim Jong Un ang sariling kuya, para maagaw ang poder. Ipapamana sana ng amang Kim Jong-il ang trono sa panganay na lalaki. Pero paboritong apo si Kim Jong Un ni Kim Il-sung, unang komunistang diktador nila.

Pinalaking sakim si Kim Jong Un. Mahigit 250 square meters, puno ng laruan, ang personal playground niya. Nga­yong presidente na, nuclear missiles ang laruan niya. Pinahahagingan ang Japan at U.S. military base sa Guam.

Maaring matino ang pinuno, pero aksidenteng masi­mulan ang nuclear war. Namuntikan nga ‘yon nu’ng Okt. 5, 1960, ulat kamakailan ng The Union of Concerned Scientists.

Na-“detect” umano ng early warning radars ng US nuclear command center na may malakihang pag-atake. Mula raw ito sa Russia, 99.9%. Ilang segundo na lang ay pipindutin na sana ng U.S. president ang button para magkontra-atake.

Tama na mula Russia ang signals. Pero mali na missiles ‘yon. Mga sinag pala ng buwan ang sumisikat nu’ng mi­nutong ‘yon.

Show comments