AYON sa Department of Health (DOH), 12,000 Pilipino ang namamatay taun-taon dahil sa aksidente sa kalsada. Kadalasang bumabangga ang sasakyan at may mga nasasagasaang pedestrians. May mga bus o truck na nahuhulog sa bangin na ikinamamatay ng mga sakay nito. May mga kabahayan na inaararo ng truck na nawalan ng preno. Maraming namamatay sa inararong mga bahay na kinabibilangan ng mga bata. Ayon sa DOH tumaas ng 39 percent ang mga namamatay sa road accidents mula noong 2011.
Sa report naman ng World Health Organizations (WHO), 1.3 milyong katao ang namamatay taun-taon sa buong mundo dahil sa aksidente sa kalsada. Sa Pilipinas, isinisisi ang mga malalagim na aksidente sa kalsada dahil sa mga walang disiplinang drayber na nagpatuloy na nagmaneho kahit nalalaman nilang may depekto ang sasakyan. Mayroong nagmaneho na nasa impluwensiya ng alak at mayroong nagmaneho kahit inaantok o may karamdaman. Marami ring motorcycle rider ang namatay dahil sa aksidente.
Noong Sabado, anim na pasahero ng isang traysikel ang namatay sa Lopez, Quezon nang bungguin ng isang fish delivery truck. Patungong Bicol ang traysikel nang bungguin ng trak. Nasunog ang traysikel at nadamay ang nasa unahang bus. Hindi nakalabas sa traysikel ang anim na pasahero at nasunog.
Noong nakaraang taon, maraming pampasaherong bus ang naaksidente. May nag-overtake sa sinusundang sasakyan pero nabangga ang kasalubong sa kabilang lane. Mayroong nag-dive sa bangin gaya ng Ceres bus na nahulog sa bangin sa Hamtic, Antique noong Dis. 12, 2023 na ikinamatay ng 19 na pasahero. Mabilis ang takbo ng bus habang nasa kurbada. Nawalan ng control ang drayber at nahulog sa bangin.
Sa report naman ng Land Transportation Office (LTO), tinatayang 24.7 milyong sasakyan ang hindi rehistrado at patuloy na yumayaot sa mga kalsada. Sabi ni LTO chief Vigor Mendoza II, pinaiigting na nila ang paghuli sa mga hindi rehistradong sasakyan at ipinatutupad ang “no registration, no travel” policy.
Mahirap kapag ang sasakyan na nasangkot sa aksidente ay hindi rehistrado. Sino ang hahabulin ng mga kaanak ng biktima? Nalalagay sa panganib ang mga pasahero at pedestrians kapag naaksidente ang mga hindi rehistradong sasakyan.
Isulong naman sana ng LTO ang pag-educate sa mga kukuha ng driver’s license para hindi sila maging mitsa ng mga aksidente sa kalsada. Marami ang nakakakuha ng lisensiya kahit walang kamuwangan sa mga batas trapiko. Ipatupad sana ito ng LTO para maiwasan ang malalagim na road accidents.