EDITORYAL — Patak-patak na hustisya!

HINATULAN ng 16 na taong pagkakabilanggo ang self-confessed gunman na si Joel Escorial dahil sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid noong Oktubre 3, 2022 sa Las Piñas City. Nakunan ng CCTV ang pagpatay kay Lapid na noon ay papasok sa kanyang radio program. Agad nahuli si Escorial. Inamin ni Escorial na binayaran siya ng P550,000 para patayin ang broadcaster.

Idinawit ni Escorial si dating Bureau of Corrections (Bucor) chief Gerald Bantag at deputy nito na si Ricardo­ Zulueta. Ayon kay Escorial, si Bantag ang “utak” ng pag­patay kay Lapid. Sinampahan sina Bantag at Zulueta ng murder. Patuloy na nagtago si Bantag samantalang namatay si Zulueta noong Marso dahil sa atake sa puso sa isang ospital sa Bataan. Ilan pang bilanggo sa New Bilibid Prisons (NBP) ang kinasuhan dahil sa pakikipagsabwatan sa pagpatay sa broadcaster. Noong Agosto 2023, hiniling ni Escorial sa korte­ na payagan siyang pumasok sa plea bargaining sa mas mababang pagkakasala ng homicide sa halip na murder. Nananatili si Escorial sa detention facility ng Philippine National Police Custodial Center habang hini­hintay ang conclusion ng trial ng bilanggong si Christopher Bacoto na kasabwat din sa pagpatay kay Lapid.

Sa pagkakahatol kay Escorial, hindi pa ganap ang nadaramang kasiyahan ng pamilya Mabasa. Hindi pa nila lubusang nakakamit ang hustisya sapagkat ang “utak” ng krimen ay nananatili pang nakalalaya. Ayon sa mamamahayag na si Roy Mabasa, kapatid ng pinas­lang na broadcaster, patuloy silang maghahanap ng hustisya. Hindi umano sila titigil hangga’t hindi naipapasok sa bilangguan ang mastermind sa pagpatay.

Noong nakaraang buwan, nakalusot sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) si Bantag nang salakayin ang tinutuluyan nitong bahay sa Baguio City. Una nang sinabi ni Bantag na hindi siya susuko.

Patak-patak ang hustisya. Hindi pa malaman kung kailan magkakaroon ng ganap na katarungan sa pagpatay kay Lapid. Mabagal naman ang galamay ng batas para madakip ang “utak” ng krimen. Nakapagtataka kung paano nalulusutan ng akusado ang mga alagad ng batas. Maaring maraming kumukupkop sa dating Bucor chief kaya nakakalusot.

Kung ang kasong pagpatay kay Lapid ay mabagal ang pag-usad, ano pa ang aasahan sa iba pang pinas­lang na mamamahayag. Hanggang ngayon, marami pang kaanak ng mga pinaslang na mamamahayag ang uhaw sa hustisya at hindi nila alam kung kailan ito maipagkakaloob—o baka hindi na.

Show comments